Arellano asinta ang ika-10 panalo laban sa Perpetual

Mga Laro Ngayon
(The Arena)
2 p.m. Arellano vs Perpetual
4 p.m. JRU vs Lyceum
Team Standings:  San Beda (10-2); Arellano (9-2); Perpetual Help (7-4); JRU (7-4); St. Benilde (7-5); Lyceum (5-6); Letran (4-7); EAC  (3-8); San Sebastian (3-9); Mapua  (2-10)

IKALIMANG sunod na panalo na magtutulak sa Arellano University Chiefs na makabalik sa pagsosyo sa unang puwesto ang nais hablutin ng koponan sa pagbangga sa University of Perpetual Help Altas sa 90th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Sa ganap na alas-2 ng hapon ang nasabing tunggalian at ang Chiefs ay magtatangka sa kanilang ika-10 panalo matapos ang 12 laro para mapantayan uli ang karta ng four-time defending champion San Beda College Red Lions.

Galing ang Chiefs sa 82-79 panalo sa Mapua Cardinals sa huling laro para maitala ang kanilang pinakamahabang winning streak sa taon.

Tinalo na rin ng tropa ni Arellano coach Jerry Codiñera ang Altas sa unang pagtutuos, 97-85, pero kailangang magtrabaho nang husto ang Chiefs dahil balak ng bataan ni Perpetual coach Aric del Rosario na manatiling nasa ikatlong puwesto.

May 7-4 baraha ang Altas at kasalo sa mahalagang puwesto ang host Jose Rizal University Heavy Bombers na mapapalaban sa Lyceum of the Philippines University Pirates sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon.

Sakaling isa sa Altas at Heavy Bombers ang matalo, bababa ito sa 7-5 at makakasalo ang pahingang College of St. Benilde Blazers.

Samantala, si Ola Adeogun ng San Beda ang siyang kinilala bilang ACCEL Quantum-3XVI NCAA Press Corps Player of the Week matapos ang dominanteng paglalaro sa huling dalawang panalo ng Red Lions.

May 23 puntos, 13.5 rebounds at 2 blocks average si Adeogun sa mga panalo ng Red Lions sa San Sebastian College Golden Stags at St. Benilde para manatiling nasa liderato sa 10-2 karta.

Sina Michael Mabulac ng JRU at Earl Scottie Thompson ng Perpetual ang iba pang ikinonsidera sa lingguhang parangal.

Read more...