HIRAP na hirap ngayon sa pagpapaliwanag si Commission on Higher Education chair Patricia Licuanan tungkol sa tig-P14 milyong pondo na inilaan sa bawat kongresista sa “Tulong Dunong” project ngayong taon.
Sa budget hearing noong Martes, inamin mismo ni Licuanan na “it was PDAF, it was realigned, that is my own take on this… so we have this increased amount. Essentially, we will be giving scholarships and we encourage legislators to nominate.”
Pero ngayon, iba na ang linya nitong si Licuanan. Hindi raw PDAF o pork barrel at wala ni isang sentimong tinanggap ang mga kongresista sa naturang P4.1-B supplemental funds.
Paliwanag pa nito, hindi raw “individual lump sum funds” ang sinasabing tig-P14M na pondo kundi tinatanggap lang nila ang mga “nominations” ng “scholar beneficiaries” para sa mga umano’y mahihirap ngunit pwede nang mag-college na mga constituents ng mga mambabatas.
Sa totoo lang, naaawa ako rito kay Licuanan dahil napakahirap ang sitwasyong ibinigay sa kanya ng Malakanyang lalo pa’t ang realigned P4.1B scholarship fund na ipinagbawal ng Korte Suprema ay biglang napunta sa ‘Tulong Dunong” project ng CHED.
Naaawa rin ako sa higit 300,000 “college students” ng mga mambabatas lalot kung sila nga ay pawang mga “deserving” o talagang nangangailangan.
Pero, ang malaking issue rito ay ang katotohanan na ang “Commission on Higher Education” (CHED) na siyang institusyong pang-akademya ng bansa ay nagagamit sa patronage politics.
At ang masakit itong pinuno ng CHED ay nagkakandabulol-bulol sa pagsisinungaling kung paano ito pagtatakpan.
Una, sabi nito mismo sa congressional hearing na PDAF ang pondo. Nitong Sabado sa kanyang press release hindi na raw ito PDAF.
Kung tutuusin, unang masisira rito ay ang integridad at kredibilidad ng CHEd bilang tagapamahala ng lahat ng kolehiyo at unibersidad sa bansa.
Ano ang kaibahan ng mga “scholarship beneficiaries” ni Congressman sa mga tunay at nagpakahirap na mga “CHED iskolar ng bayan?
Iiral din ba ang high standards ng CHED sa mga “estudyanteng” kamag-anak, kabit, kakampi sa pulitika o maging ghost scholars ng mga congressman.
Bukod dito, kwestyonable ang kapasidad ang CHED na humawak ng ganito kalaking pondo lalot at dagdagan ng realigned PDAF na P4.1B ang 2014 budget nilang P3.9B.
Noong 2013 , ang mga estudyanteng nakinabang sa CHED ay 58,141 pero ngayong 2014, lumobo ito sa 423,270, o pitong doble ang inilaki.
Matagal na nating itinuturo ang napakasamang impluwensya ng patronage politics sa ating mga classrooms upang imulat sa kabataan na baguhin ang sistema ng pulitika sa bansa.
Pero ngayon, mismong CHEd ang yumuko sa mga pulitiko.
Paano na ang kredibilidad ng mga tunay na iskolar ng bayan? Paano na ang kalayaan ng mga unibersidad at kolehiyo sa mga impluwensya ng mga pulitiko? Paano na ang kredibilidad ng CHED sa pagsusulong ng “higher knowledge” kung pumapayag silang gamitin sa “patronage politics” sa pakinabang na rin ng mga kongresista at senador?
Madam Licuanan, mag-isip-isip ka nga! Kung patuloy mong ipipilit na tama ang “pagpasok” ng realigned PDAF sa CHEd, mas mabuti pang mag-resign ka na lang kaysa patuloy na magsinungaling dahil kontra ito sa paninindigan ng edukasyon laban sa patronage politics.
P4.1B pork barrel sa 2014 CHEd budget
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...