Ayon sa dalaga ay nag-uusap na raw sila ngayon, pero hanggang du’n lang muna ang kanilang komunikasyon, mas prayoridad pa rin para kay Danita ang kanyang career.
Kung matatandaan ay ilang panahon ding naging malungkot ang kanilang mundo, sa kanilang mga tweets nalaman ng kanilang mga tagahanga na tapos na ang kanilang relasyon, lumalabas si Danita kasama ang kanyang mga kaibigan at si JC ay meron ding sariling mundo nu’ng mga panahong ‘yun.
Nagpapasalamat si Danita dahil nu’ng maghiwalay sila ni JC ay saka naman niya sinimulan ang seryeng Isang Dakot Na Luha ng TV5 na nagsimula na kahapon kasunod ng Felina.
“Malaking therapy po talaga ang work kahit kailan.
Kapag marami kang ginagawa at nagko-concentrate ka sa trabaho, medyo nakakalimutan mo muna ang mga personal problems mo.
“Malaking bagay sa akin ang bagong series na ito, naging therapy ko siya, salamat at dumating ang series na ito sa isang time na nalulungkot ako,” nakangiting sabi ni Danita.
Alam agad ng kanyang ina kapag may problema siya sa puso, hindi na niya kailangan pang magpaliwanag, alam na agad ni Tita Daisy Romualdez na may pinagdadaanan ang kanyang dalaga.
“Si Mommy pa? Napakalakas ng pakiramdam niya. Kapag nagpunta na ako sa bedroom niya at nagtagal ako du’n, alam na niya agad na meron akong problema.
“Wala lang, yayakap lang ako sa kanya, maglalambing, very supportive naman ang mommy ko.
Pero okey na ako ngayon, hindi pa kami nagkakabalikan, pero ang mahalaga, magkaibigan kami,” pagdidiretso sa kuwento ni Danita.
Ang theme song ng Isang Dakot Na Luha ay produkto ng talentadong kompositor na si Boy Christopher Ramos. Napapanood ang serye sa TV5 tuwing hapon mula Lunes hanggang Biyernes.
“Napakaganda po ng kuwento ng series na ito, makaka-relate ang televiewers sa amin, masarap kasama sa programa sina Ms. Alice Dixson at Jay Manalo, ang dami-dami kong natututuhan sa kanila,” balita pa ni Danita Paner na lalo pang gumaganda ngayon.