NAPAKALAKAS na sampal kay Vice President Jojo Binay ang sinabi ng kanyang dating vice mayor sa Makati na si Nestor Mercado.
Sinabi ni Mercado na kumita si Jojo at ang kanyang anak na si Mayor Mayor Junjun sa pagpapatayo ng Makati parking building na nagkakahalaga diumano ng tumataginting na P2.6 billion.
Pero ito ang kataka-takang ginawa ni Mercado: Inamin niya na siya’y kumita rin sa parking building.
Ang pag-aamin ay ginawa ni Mercado sa harap ng Senate blue ribbon sub-committee na nag-iimbestiga sa mag-amang Binay.
Paano mong hindi paniniwalaan si Mercado na dating malapit na kaibigan ni Binay at kanyang business partner?
Paanong di mo paniniwalaan si Mercado na sa kanyang pangungumpisal ay maaari siyang makulong ng habambuhay dahil sa plunder?
Ang mag-amang Binay ay nahaharap sa kasong plunder dahil sa diumano’y pagkulimbat sa kaban ng bayan ng Makati.
Kung kumita sa Mercado na vice mayor lamang noon, naturalmente na kumita ng mas malaking pera ang mga Binay sa pagpapatayo ng Makati parking building.
Kahit na anong pagtanggi ng mga Binay na sila’y di kumita, ang pag-amin ni Mercado ay nagpalubog sa kanila.
Ano ba naman ang tingin ng mga Binay sa taumbayan, mga tanga’t bobo?
Kapag kumita ang maliliit na empleyado sa gobyerno sa isang proyekto, siyempre lion’s share, ‘ika nga, ang kita ng boss.
Kung hindi kumita ang boss at ang kanyang mga sidekicks lang ang kumita, aba’y para naman siyang tanga.
Pero hindi tanga ang mga Binay dahil bakas sa kanilang mukha ang pagkagahaman sa salapi.
May nakapagsabi sa inyong lingkod na halos mga bakanteng lote sa Makati ay pag-aari ng mga Binay; of course, pinangalan nila sa iba ang mga ari-arian.
Isang kaibigan ko na gustong bumili ng lupa sa Batangas ay nakapagsabi sa akin na kahit saan siya magpunta upang tingnan ang lupang pinagbibili, sinasabi sa kanya na ang magiging kalapit-lupa niya ay sa mga Binay.
Paniwalaan natin si Mercado na nagsasabi ng totoo.
Maraming nakakaalam na siya’y sugapa sa sugal. Malaki na raw ang natalo sa kanya sa casino at sabong.
Saan naman niya kinuha ang perang pinaglustay niya kundi sa pagiging bise alkalde ng pinakamayamang lungsod sa bansa?
Kung nilustay ni Mercado ang kanyang ninakaw sa taumbayan sa sugal, ang mga Binay ay “wais” dahil bumili sila ng maraming ari-arian.
Kung ang style ng pagpapatakbo ni Jojo sa Makati ay gagawin niya sa pagpapatakbo sa buong bansa matapos ang 2016 elections, kawawa tayong mga Pinoy.
Silipin natin ang ating kinabukasan sa ilalim ni Jojo.
Kapag siya’y nasa Malakanyang na, si Nancy ay senador pa, si Abby ay congresswoman, si Junjun ay interior at local government secretary, at si Doctora Elenita ay health secretary, wala nang kawala sa mga kuko ng mga Binay ang bansa.
Ang “B” sign sa nakikita sa bawa’t kanto sa buong Makati ay makikita na sa buong Pilipinas.
“B” stands for Binay, of course.