BUHAY na buhay pa rin ang Original Pilipino Music taliwas sa mga lumalabas na mga komento sa social media na unti-unti nang namamatay ang OPM dahil di hamak na mas mabenta pa rin daw sa ating bansa ang mga foreign artists.
Ayon sa award-winning singer-composer na si Noel Cabangon, na siya ring pangulo ng FILSCAP (Filipino Society of Composers, Authors and Publishers), isang kasinungalingan ang balitang nawawala na sa eksena ang OPM, sa katunayan, mas mahigpit ngayon ang laban sa music industry dahil patuloy pa ring dumarami ang mga OPM artists.
Sa presscon kahapon ng “Pinoy Music Festival: Push Mo Yan Year One”, isang one-day open-air free concert na bahagi pa rin ng selebrasyon ng pagpapalaganap ng OPM sa buong mundo sa pangunguna ng Pinoy Music Council, sinabi ni Noel Cabangon na ang maling pananaw ng madlang pipol tungkol sa OPM ay kailangang itama.
“OPM is not dying, kaya nga kami sa FILSCAP, pati na ang Organisasyon ng Pilipinong Mang-Aawit, with Asosasyon ng Musikong Pilipino, pati na ng Philpop Foundation at iba pang mga asosasyon na nagbibigay-protekta sa musikang Pinoy, ay hindi tumitigil sa paggawa ng mga special events and series od summit para mas mapalaganap pa ang OPM at maipakilala ito sa buond mundo,” pahayag ni Noel na siyang nagpasikat ng classic song na “Kanlungan”.
Ayon pa sa singer-composer, isa sa mga isinusulong nila ngayon ay ang pagkakaroon ng Linggo Ng Musikang Pilipino na ipagdiriwang sa buong bansa.
Kapag naaprubahan na ni Pangulong Noynoy Aquino ang executive order na naglalayong bumuo ng isang committee na hahawak at magpapatakbo ng Linggo ng Musikang Pilipino, naniniwala sina Noel na mas mabibigyan ng pag-asang makilala sa buong mundo ang mga kanta ng Pinoy.
“The council is also currently working towards declaring 5th of September as Araw ng Musikang Pilipino through a Presidential Executive Order which we already drafted.
This is to further promote OPM by introducing its significance in people’s daily activities, educate and encourage more Filipinos to appreciate, support and patronize own music and encourage and inspire new OPM compositions,” esplika ni Noel.
Sabi nga ng isa pang music icon na dumalo rin sa Pinoy Music Festival presscon na si Jim Paredes ng APOHiking Society, hindi sapat ang makilala lamang sa iba’t ibang panig ng mundo ang mga Pilipinong mang-aawit, dapat daw pati ang mga awiting Pinoy ay humataw sa ibang bansa.
Kung nagagawa raw ng mga Korean at Japanese singers, at iba pang foreign artists na pasikatin ang kanilang mga kanta sa buong mundo gamit ang sarili nilang wika, kayang-kaya rin daw ito ng mga Pinoy.
Kailangan lang daw sigurong gamitin din natin ang ating sariling wika at mga makatotohanang karanasan para magkaroon talaga ng tunay na tatak Filipino.
Tulad na nga lang ng Korean superstar na si Psy na nagpasikat ng “Gangnam Style”. In fairness nga naman, kahit na hindi natin naiintindihan ang kanta, napakatindi ng ginawa nitong impact worldwide.
Samantala, sa pamamagitan naman ng isang napakalaking free concert, mas mapapaigting pa raw ang pagkahilig ng mga Pinoy sa OPM. Magaganap na ito sa Sept. 5 sa Ayala Triangle, Makati City with the launch of “Pinoy Music Festival: Push Mo Yan Year One.”
Sey pa ni Noel, “Pinoy Music Festival aims to promote, cultivate, discover and embrace OPM and works of Filipino music artists via a one-day open-air and free of charge musical event.
The festival will include Flash Mob performances at MRT Stations (Taft, Ayala, Shaw, Cubao and North EDSA) from September 3 to 5. Pocket street performances along Ayala Avenue from August 18 to 31, isang OPM-themed street party, ang My OPM Playlist exhibit at ang Grand Finale Concert sa Sept. 5.”
Bukod kay Noel Cabangon, ang ilan pa sa mga magpe-perform sa nasabing free concert ay sina Ogie Alcasid, Christian Bautista, Lolita Carbon, Bayang Barrios, Tippy dos Santos, Abra at marami pang iba.
Co-presentor sa selebrasyong ito ang Bactidol, habang sponsors naman ang Universal Records, Pagcor, Hotel of Asia, RRJ at isa naman sa media partner ang Philippine Daily Inquirer.
( Photo credit to EAS )