Mga Laro sa Miyerkules
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. UP vs UST
4 p.m. FEU vs La Salle
Team Standings: La Salle (7-2); FEU (7-2); NU (7-3); Ateneo (7-3); UE (5-5); UST (4-5); UP (1-8); Adamson (0-10)
PINATUNAYAN ng National University na kaya nila ang Ateneo de Manila University nang kunin ang 76-66 panalo sa 77th UAAP men’s basketball kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Bulldogs sa Blue Eagles pero mas kumbinsido ito kumpara sa 64-60 tagumpay sa first round para magkasama ngayon ang dalawang koponan sa ikalawang grupo bitbit ang 7-3 karta.
Naiwang magkasalo sa unang puwesto ang nagdedepensang kampeon na De La Salle University at Far Eastern University na maglalaban para sa liderato sa Miyerkules.
Agad na binalian ng pakpak ng Bulldogs ang Eagles matapos umarangkada sa 22-4 kalamangan. Hanggang limang puntos lamang nakalapit ang bataan ni Ateneo coach Bo Perasol 55-60, bago muling lumayo nang nagpakawala ng matinding run.
Si Alfred Aroga ay mayroong 15 puntos, 11 rebounds at 8 blocks habang sina Jett Rosario, Gelo Alolino, Nico Javelona at Glenn Khobuntin ay may 14, 13, 12 at 12 puntos.
Ang mga guards na sina Alolino, Javelona at Khobuntin ang mga nanalasa sa labas at sila ay nasuportahan ng inside game nina Aroga at Rosario.
May 18 puntos si Kiefer Ravena pero tulad sa unang pagkikita ay pinahirapan siya ng depensa ng Bulldogs sa naitalang 7-of-21 shooting.
Sinandalan naman ng host University of the East ang malakas na laro sa second half para kalusin ang Adamson University, 72-59, sa unang laro.
Naghabol ang Red Warriors sa unang 20 minuto ng laro pero nakalayo nang pahintulutan lamang ang Soaring Falcons sa 25 second half points.
Si Pedrito Galanza ay mayroong 20 puntos habang sina Ronnie de Leon at Charles Mammie ay may tig-12 at si Roi Sumang ay may lima sa walong puntos sa laro sa second half.
Ito ang ikalimang panalo sa 10 laro ng Red Warriors kasabay ng pagpapalasap sa Soaring Falcons ng ika-10 sunod na pagkatalo.