KAMAKAILAN ipinag-utos ni DILG Secretary Mar Roxas sa Philippine National Police (PNP) na paigtingin ang kampanya kontra kriminalidad sa harap ng lumalalang peace and order sa bansa.
Nagbanta pa si Roxas na masisibak ang mga opisyal ng PNP na mabibigong mapababa ang krimen sa kanilang nasasakupan.
Seryoso kaya si Roxas sa kanyang sinabi o isa lamang itong press release?
Paano ba naman kasi, gaano na ba katagal si Roxas sa DILG at ngayon lamang niya naisipang pagtuunan ng pansin ang peace and order sa bansa.
Masyado siyang abala sa pakikialam sa trabaho ng ibang miyembro ng Gabinete gayong ang mismong departamento niya ay may malaking kinakaharap na problema.
Ilang araw makalipas ang pahayag ni Roxas, tuloy ang ligaya ng mga masasamang loob.
Nito lamang Biyernes sa kahabaan ng Mindanao ave., sa katanghaliang tapat, walang takot na hinoldap ng riding-in-tandem ang isang negosyanteng “Bumbay”. Walang pakialam ang mga holdaper kung maraming tao ang dumaraan; hindi sila nagpasindak!
Sinimot ng mga suspek ang dala-dalang pera at personal na gamit ng biktima na nakamotor din na kanilang hinarang.
Pagkatapos ng krimen, parang wala lang na umalis ang mga kawatan.
Dalawa lamang ang posibleng dahilan kung bakit walang takot ang mga gumagawa ng krimen: Una, mababa ang tingin nila sa mga pulis; at pangalawa, maaaari kasing kasabwat nila ay mga pulis din.
Kung sersyoso kasi ang kampanya ng PNP, hindi lalakas ang loob ng mga kriminal na ito na maghasik ng lagim lalo na rito sa Metro Manila.
Secretary Roxas kung maganda ang ipinapakita mong trabaho sa DILG, hindi mo na kailangan ng iba’t ibang gimik para mapabango ang pangalan mo para sa iyong ambisyon sa 2016.
Resulta ang nais ng mamamayan sa hindi masolusyunanga mga petty crimes sa bansa.
Aanhin mo ang maraming kagamitan para sa mga pulis, kung hindi naman kumikilos ang kapulisan para mapaayos ang peace and order sa bansa.
Tingnan din dapat ng liderato ng PNP kung ano ba ang problema kung bakit hindi nagagawa ng mga pulis ang kanilang trabaho. Baka naman kulang sila sa kasanayan, kulang sa motibasyon, o kulang talaga sa leadership.
Laging inaanunsiyo ni PNoy ang hakbang ng kanyang administrasyon na tustusan ng mga kinakailangang kagamitan ang mga pulis para matiyak na makaresponde sila sa mga nangyayaring krimen sa bansa.
Kung talagang sapat na ang mga kagamitan ng mga pulis, bakit tila bigo pa rin silang gamapanan ang kanilang tungkulin? Bakit para silang natutulog pa rin sa pansitan?
Naiinip na ang mamamayan na makitang may ginagawa nga ang pamahalaan sa maya’t mayang krimen na nangyayari sa bansa.