Top spot asinta ng La Salle, FEU


Mga Laro Ngayon
(SM Mall of Asia Arena)
2 p.m. La Salle vs UP
4 p.m. UST vs FEU
Team Standings:
Ateneo (7-2); La Salle
(6-2); FEU (6-2); NU
(6-3); UST (4-4); UE (4-5); UP (1-7); Adamson (0-9)

PAHIHIGPITIN uli ng nagdedepensang kampeon na De La Salle University at Far Eastern University ang labanan para sa unang dalawang puwesto sa pag-asinta ng panalo para makasama uli sa itaas ng standings ang Ateneo de Manila University sa pagpapatuloy ngayon ng 77th UAAP men’s basketball sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ang Green Archers ay sasagupa sa University of the Philippines at napapaboran na manalo sa unang laro sa ganap na alas-2 ng hapon habang ang FEU Tamaraws ay makikipagbalikatan sa University of Santo Tomas sa tampok na laro dakong alas-4 ng hapon.

Parehong may 6-2 karta ang La Salle at FEU at kung magwagi sila ay makakasalo uli ang pahingang Ateneo sa 7-2 baraha.
Inaasahang walang problemang haharapin ang Archers lalo pa’t galing sila sa 88-86 panalo sa karibal n Ateneo sa huling laro at dinurog pa nila ang UP Fighting Maroons sa unang pagtutuos, 74-53.

May dalawang dikit na panalo ang FEU na nangyari laban sa National University para magkaroon ng momentum kontra sa UST Growling Tigers na tumalo sa kanila sa first round, 67-69.

Aasahan ng Tamaraws ang pagtutulungan ng mga starters at bench players para makuha ang ikatlong sunod na panalo.
May 4-4 baraha ang UST at magbabalak na sundan ang 61-59 tagumpay sa Adamson University.

( Photo credit to inquirer news service )

Read more...