Cristina Gonzales miss na miss ang showbiz; Pacman mas sikat kina Bieber at Beckham


Sa dami pala ng kilalang celebrities at personalidad na pumunta sa Tacloban para dalawin at magbigay ng tulong sa mga Yolanda survivors, si Manny Pacquiao ang talagang pinagkaguluhan ng mga tagaroon.

Ayon kina Tacloban Mayor Alfred Romualdez at sa misis nitong si Konsehala Cristina Gonzales, nagpapasalamat sila sa patuloy na pagbisita ng mga kilalang tao sa kanilang lugar para palakasin pa ang loob ng mga Taclobanon na unti-unti na ngang nakakabangon matapos bayuhin ng bagyong Yolanda ang kanilang lugar noong November, 2013.

Ilan nga sa mga nagpakita ng concern sa mga taga-Tacloban ay ang Hollywood superstar na si Justin Bieber, David Beckham, nagpunta rin doon at nag-show sina Daniel Padilla, Willie Revillame at si Pacman nga. Kuwento ni Mayor Alfred, napakalaking tulong ng pagbisita ng mga nasabing celebrity sa Tacloban dahil mas lumalakas ‘yung loob nila, mas nabubuhayan sila dahil alam nilang may mga taong nagmamalasakit sa kanila at handang magbigay ng tulong.

Ipinagmamalaki nga ng mister ni Cristina Gonzales na sa kabila ng matinding hamon na kinakaharap nila, nananatiling palaban ang mga taga-Tacloban, “Yolanda did not devastate the spirit and the hearts of Taclobanons.

With the grace of God, Tacloban and our people are on teh rise again,” anang alkalde nang makachihan ng entertainment media nu’ng nakaraang gabi.

Sa kabuuan, umabot pala sa 55,000 kabahayan ang nawasak sa Tacloban, habang 3,000 residente ang nasawi at 700 pa ang nawawala. Sa ngayon, isa-isa nang nagbubukas ang malalaking mall sa siyudad at bumabalik na rin ang sigla ng mga tagaroon.

Pero ayon kay Councilor Kring Kring, marami pa rin ang mga nakatira sa tent at ito ang kanilang priority ngayon lalo na ‘yung mga nasa “danger” zone.

Bukod dito, naghahanda na rin sila sa pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas. Magsasagawa ng misa ang Santo Papa para sa mga Yolanda victims na gaganapin sa Daniel Romualdez Airport bago bisitahin ang mga ilang lugar sa Tacloban.

Inaayos na nila ang magiging seguridad ng pagbisita ni Pope Francis kasama ang National government. Samantala, hindi naman isinasara ni Kring Kring ang posibilidad nang pagbabalik sa showbiz.

Sa katunayan, meron na raw mga offer sa kanya na magbalik-pelikula at mag-try sa teleserye, pero wala pa raw siyang tinatanggap.

“Pumipili pa kami kung ano ‘yung babagay sa akin na role, siyempre, gusto ko yung mag-eenjoy ako at saka kailangang ayusing mabuti yung schedule,” ani Kring Kring na napakaganda at napakaseksi pa rin hanggang ngayon.

In fairness, ang gaganda ng dalawang anak nina Cristine at Mayor Alfred na sina Sofia, 14 at Diana, 10.

( Photo credit to EAS )

Read more...