Heavy Bombers hangad makaulit sa Knights

Mga Laro Ngayon
(The Arena)
2 p.m. JRU vs Letran
4 p.m. St. Benilde vs EAC
Team Standings: San Beda (8-2); Arellano (8-2); JRU (6-3); Perpetual Help (5-4); St. Benilde (5-4); Lyceum (5-4); EAC (3-6); Letran (3-6); San Sebastian (3-7); Mapua (1-9)

BATID na sa second round nagkakaalaman kung sino talaga ang tunay na matitikas, nananalig si coach Vergel Meneses na hihigitan ng mga manlalaro sa Jose Rizal University ang ipinakita sa unang ikutan para gumanda pa ang puwesto sa liga.

May 6-3 karta ang JRU na babanggain ang Letran sa ganap na alas-2 ng hapon.

Tinalo ng Heavy Bombers ang Knights sa unang pagtutuos, 69-60, para makatulong sa hinablot na 6-3 karta.

Pero ayaw ni Meneses na isipin na angat sila sa laban dahil tiyak na hahataw din ang Knights na may 3-6 baraha lamang.

“Ang second round ang mahalagang round kaya’t dapat na itaas pa namin ang antas ng aming laro,” wika ni Meneses.

Hindi puwedeng biruin ang Knights na galing sa 64-53 panalo sa four-time defending champion Red Lions sa huling laro.

“Struggling kami pero malaki ang maitutulong ng panalong ito para tumaas ang morale ng team sa second round,” wika ni Knights coach Caloy Garcia.

Magtatangka naman ang College of St. Benilde na bawian ang Emilio Aguinaldo College sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon.

May 5-4 karta ang Blazers at kasalo ang University of Perpetual Help sa ikaapat at limang puwesto.

Pero puwedeng makasalo ang tropa ni St. Benilde coach Gabby Velasco sa pangatlong puwesto kung manalo sila at matalo ang JRU para sa magkatulad na 6-4 karta.

Sina Mark Romero, Jonathan Grey at Paolo Taha ang mga magtutulong para maibangon din ang Blazers mula sa 67-66 pagkatalo sa Arellano University sa huling laban.

Read more...