Juday, Ryan kinakarir uli ang paggawa ng baby


KINAKARIR nina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo ang paggawa ng bagong baby. Gustung-gusto na   nilang sundan ang bunsong si Lucho.

Sa presscon kahapon ng tinaguriang Kapamilya realiserye, ang I Do na iho-host ni Juday, natanong kung wala pa bang kasunod si Lucho, “Mamaya, pagkatapos ng presscon, tatrabahuin ko siya.

Ha-hahaha! Hindi, inaayos na namin! Inaayos! Ha-hahaha! Honestly, napag-uusapan. Tsaka 36 na ko, baka pag nanganak ako nang  late na, baka mahirapan na.

May mga problema rin kasi ako sa pagbubuntis, di ba? But hindi naman namin pine-pressure ang isa’t isa, pero…ginagawa! Ginagawa! Ha-haha!”

Samantala, excited na si Juday sa pagsisimula ng bago niyang programa sa ABS-CBN, ito ngang reality show para sa mga magdyowa na may plano nang magpakasal – ang I Do.

Dito mapapanood ang bagong kabanata sa love story ng siyam na couples sa kanilang pagharap at paghahanda para sa buhay mag-asawa. Magsisimula na ito sa Aug. 30 (Sabado), kapalit ng PBB All In.

Sa programang puno ng kilig, drama, at tensyon, susuong ang couples sa mga hamong susubok sa kanilang  pagmamahalan. Gagabayan sila ni Juday, kasama ang ibang miyembro ng council, ang life coach na si Pia Acevedo at ang psychologist at marriage counselor na si Dr. Julian Montano.

Makakasama sa pagbibigay ng challenges  si Jason Gainza. Ayon kay Juday, aasahan ng mga manonood na magbibigay siya ng mga payo sa contestants na base sa kanyang personal na karanasan bilang isang asawa at ina.

Limang taon nang kasal si Juday at may dalawa nang anak. “Ang pinaka-challenge sa akin dito ay ang bigyan ng advice ang couples na pwede nilang isabuhay.

Noong tinanggap ko itong show, hindi ko talaga alam anong pinasok ko, na-excite lang ako na original concept siya. Hindi ko alam na sa proseso parang magiging life coach pala ako. Ang sarap lang na feeling,” ani Juday.

Titira ang couples sa tatlong bahay sa loob ng I Do village, ngunit magkahiwalay na matutulog ang mga babae sa mga lalaki dahil “bawal” nga ang sex.

Sey ni Juday, natutunan niya sa show  na wala sa tagal ng pagsasama ang tibay ng isang relasyon. “Ang sa akin, sana makakuha ng inspiration ang mga taong makakapanood ng show.

Ginawa namin ito para makapag-inspire ng mga tao na ‘wag basta-bastang sumabak sa kung anu-anong sitwasyon. Lahat ng bagay ngayon dapat pinag-iisipan,” sabi ng TV host-actress.

Every week ay haharap ang couples sa mga hamon  na hango sa mga totoong sitwasyon sa buhay mag-asawa. Bawat linggo, magdedesisyon din ang council kung aling couple ang magpapaalam  base sa kanilang kahandaang magpakasal.

Sa huli, ang madlang pipol ang pipili ng winning couple na magwawagi ng P1 milyon, house and lot, at ang kanilang inaasam na grand wedding.

Pero teka, sino kaya sa mga kasaling magdyowa ang hindi makakatiis sa –  sex!?

( bandera.ph file photo )

Read more...