NOONG isang gabi ay nag-guest sa “Mismo” program namin ni Papa Ahwel Paz ang napakaguwapong actor-politician na si Manila Vice-Mayor Isko Moreno.
We had so much fun talking to him. Mula nga sa pagiging mambabatsoy during his teen days ay heto na ang isang well-accomplished and dignified public servant.
“Scott ang palayaw ko sa mga kababata ko sa Tondo nu’ng araw. Lahat ng hirap sa buhay ay dinanas din namin.
Nakakatuwa nga kung minsan ang ibang mga kababayan natin, e, simpleng problema lang sa lovelife ay parang ikamamatay na nila.
“Yung problema sa kahirapan ay iniinda na nila, may nagsasabing dati ay toyo lang ang sinasabaw nila sa kanin para mairaos nila ang kahirapan, hindi sa nakikipag-compete tayo with their stories pero naman, mas iba ang takbo ng pamumuhay namin noon.
Hindi lang kami mahirap – sobrang hirap talaga. Pero ang pagkain namin palagi that time ay Jollibee.
“Yung tira-tirang pagkain nila na nakasupot na sa mga basurahan na kinakalkal namin, tapos iinitin lang para makain naming mag-anak.
Ganyan ang routine ng buhay namin noon, pag gabi na, kanya-kanya na kaming halukay sa basurahan.
“Pero sabi nga nila, pag wala kang tiyaga, walang nilaga.
Yung kahirapan ay may katapusan din pag meron kang pangarap sa buhay.
Kaya ako, hindi na bago sa akin ang kahirapan.
Ang pangarap ko lang ngayon ay ang maitaguyod ang ating mga kababayan sa gutom, yung matulungan silang makabangon sa pagkakalugmok sa buhay,” pagbabalik-tanaw ni Vice-Mayor Isko.
“Nagsimula ako sa showbiz nang ma-meet ko si daddy Wowie Roxas sa isang lamay.
Binigyan niya ako ng tarheta at tinawagan ko siya.
Dinala niya ako sa audition ng That’s Entertainment ni Kuya Germs.
Seventh year na ng That’s iyon at salamat sa Diyos at nakapasa ako. Doon na nagsimula ang lahat.
Talagang sineryoso ko ang pag-aartista at sobra-sobra ang suportang ibinigay sa akin ng mga kababayan natin, lalo na sa Tondo kung saan ako nagmula at nakatira hanggang ngayon.
“Yung pagiging pulitiko ko ay wala naman sa plano. Nangyari na lang as years went by.
Inaral kong mabuti ang batas sa pamamagitan ng pagbabasa at pag-aaral sa kolehiyo pag meron akong spare time.
Sa awa ng Diyos, nakasiyam na taon akong konsehal ng Maynila at limang taon bilang Vice-Mayor.
Marami na akong natutunan sa pulitika pero napakarami ko pang dapat aralin.
“Nai-enjoy ko ang public service pero I owe all of these sa pagiging artista ko.
Ibang klase ang ibinigay na suporta sa akin mga kaibigan natin sa industriya,” sinserong pahayag ni Isko during our casual interview with him.
Napakarami nang nagawa ni Isko bilang public servant.
Nakakatuwa dahil sa opisina niya sa Manila, naglagay siya ng Botika ni Isko – at hindi kailangang maging residente ka ng Maynila para maka-avail ng gamit nila.
“Naaawa ako sa mga kababayan nating walang pambili ng gamot.
Yung iba, pang-maintain nila sa kanilang mga karamdaman.
Noong konsehal pa lang ako, ang mga gamot na nasu-solicit ko that time ay nakalagay lang sa boxes.
Pag may lumapit na may reseta, inaalam namin kung meron kaming available na stock at ibinibigay namin agad ‘yun ayon sa kanilang pangangailangan.
“Ngayong vice-mayor na ako, lumaki na ang pinaglalagyan namin ng gamot, yung office ko kasi ay may tatlong kuwarto, ang ginawa ko, tinibag namin yung tatlong rooms at ginawang isang malaking kuwarto.
Nandoon ang inilagay naming Botika Ni Isko. Parang may counter ng botika talaga.
Ang gagawin mo lang ay pupunta ka at magpalista at ora mismo ay ibibigay ang gamot na kailangan mo for as along as may stock.
“May ISKOlar Ng Bayan din kami. Meron akong dalawang computer schools before noong konsehal pa lang ako.
Sa Tondo lang ‘yun dati. Nang maging vice-mayor na ako, dumami na ang learning centers na itinayo namin kasi nga, parami nang parami ang nangangailangan ng libreng edukasyon.
“As of the moment, more than 20,000 na ang estudyante namin all over Metro Manila.
Malawak na rin ang pagtuturo sa mga estudyante namin.
Matutuwa ka sa feedback ng mga tao sa scholarship naming ito sa kanilang mga anak,” kuwento pa ng bise-alkalde.
Isko Moreno is truly a blessing and inspiration to many of us.
Kaya hats off kami sa husay at galing ng isang tulad niya. Punumpuno siya ng sipag at honesty sa kanyang propesyon and mind you, he’s feet have remained intact sa lupa.
“Malayo na talaga ang narating ni Isko, napakahusay na niya talaga.
Pero sa balitang tatakbo bilang mayor ng Manila si dating prediente Joseph Estrada in next year’s election, hindi ba siya natatakot banggain ito?” tanong ng kaibigan nating entertainment editor na si Eugene Asis.
“Wala pa naman akong final decision tungkol diyan pero kung sakaling tatakbo ako next year at makakalaban ko halimbawa si dating pangulong Erap, baka magpapaliban muna ako.
His vindication sa nakaraang eleksiyon, garnering more than 12 million votes and second to P-Noy, mahirap kalabanin ito,” diretsong sagot ni Isko.
Congrats Vice-Mayor Isko Moreno. You’ve truly gone a long, long way. Ang galing mo!