KAPAG tayo ang absent sa trabaho, wala tayong suweldo. O kundi’y kailangang mag-file ng leave at kapag naubos na yan, ay “no work, no pay na.” Tayo na bumubuhay sa mga kongresista ay palaging kawawa, samantalang ang ating mga inihalal sa Kamara ay magugulang talaga.
Nang ipanukala ni Nueva Ecija Rep. Eduardo Nonato Joson ang “no work, no pork” para sa mga kongresistang pala-absent, maraming mambabatas ang umalma. Siyempre, ang unang umalma ay ang mga madalas lumiban sa trabaho.
Ang sagot ng mga umalma sa “no work, no pork” ay “Not a good idea.” Ganoon lang. Pero, kapag ang obrerong arawan (ang suweldo) ay absent, mabilis pa sa alas-kuwatro, wala na siyang suweldo sa araw na iyon. Kung walang natitirang pera at walang mauutangan, malamang na di kakain ang kanyang
pamilya sa araw na siya ay liban sa trabaho. Samantala, sa kanyang buwis ay kinaltas na ang pera para sa mga mambabatas, nang sa gayon ay susuweldo na, may pork barrel pa ang mga mambabatas na mahihilig lumiban sa napakadaling trabaho ng yakyakan at debate kuno.
Ayon kay Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan, kailangan ay merong disciplinary action sa mga kongresista na madalas ay absent. Sa obrerong arawan, kapag madalas siyang absent, hindi disciplinary action ang tatama sa kanya, kundi’y sibak siya agad sa trabaho.
Kung makasigaw sa kalye ang Gabriela para igiit ang katarungan ay ganoon na lamang. Pero, sa usaping pork barrel, ayaw nilang alisin ito sa mga “absenero” dahil kapag aalisin daw ay “not a good idea.” Ito rin ang pananaw ni Marikina Rep. Marcelino Teodoro.
Kapag inalis daw ang pork, maapekyuhan ang mga proyekto sa mga rehiyon. Hindi rin puwedeng umalma ang taumbayan sa rehiyon na di mabibigyan ng proyekto baka sila kasuhan ng pag-aalsa.
Gayunpaman, kawawa pa rin ang obrerong arawan.
Pero, may remedyo pa raw. Ilathala raw ang pangalan ng mga mambabatas na absenero sa dyaryo.
Sino ang nagsabing mahihiya ang mga mambabatas na absenero kapag na-dyaryo ang kanilang mga pangalan? Noong ikalawang termino ni Jose de Venecia Jr., bilang speaker ng Kamara, inilathala ng mga tabloid ang pangalan ng 10 topnotcher sa absences sa Kamara.
May tinamaan ba ng hiya? May nakunsensiya ba? May humingi ba ng paumanhin?
Wala. Imbes na mahiya, makunsensiya at humingi ng paumanhin ay ikinatuwiran pa ng mga absenero na mas kailangan ang kanilang pagdalo sa mga kausap sa ibang iban at sa kanilang mga rehiyon kesa ang trabaho sa Kamara.
May katuwiran din ang mga lumiliban na obrerong arawan. Pero, di sila pinakikinggan. Mas pinakikingggan ang katuwiran ng makakapal ang mukha sa hiya.
BANDERA Editorial, 092209