Pahapyaw ng warning ng AFP kay P-Noynoy

HINDI raw iiwan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang retired Army major general na si Jovito Palparan.

Ang pagsisiguro ay galing mismo kay AFP chief of staff Gen. Gregorio Pio Catapang.

“The AFP is not abandoning retired General Palparan,” sabi ni Catapang.

Kung nais ni Palparan ng security ay bibigyan daw siya ng militar.

Ito’y reaksiyon ni Catapang sa sinabi ni Palparan na tuluyan na siyang inabandona ng kanyang dating mga kasamahan sa AFP.

Ani Catapang, ang mga krimen na binibintang kay Palparan (ang pagkawala ng dalawang estudyante ng University of the Philippines ) ay nangyari noong nasa serbisyo pa siya at siya’y inosente hangga’t di pa hinahatulan ng korte.

Ang tinurang yun ni Catapang ay parang pagsuway kay Pangulong Noynoy, ang AFP commander-in-chief, na naglagay kay Palparan sa “most wanted list” noong di pa siya nahuhuli.

Maraming nagalit sa Pangulo sa kanyang pagtawag kay Palparan ng “berdugo,” ang tatak na ibinigay ng mga militante sa retired general.

“Bakit ginagamit ng Pangulo ang bansag na ginawa ng mga militante kay Palparan gayong ginawa lang ni
Palparan ang kanyang tungkulin?” sabi sa akin ng isang batang opisyal ng militar.

Baka hindi alam ng Pangulo na si Palparan ay mahal ng kanyang kapwa opisyal, retirado man o nasa active service pa, sa Armed Forces.

Para sa mga opisyal at sundalo ng AFP, si Palparan ay kanilang bayani dahil mas matapang siya kesa ibang heneral.

Ang dating commander ng Army 7th Infantry Division ay di natakot na gawin sa New People’s Army at sa mga rebeldeng Moro ang ginagawa nila sa mga sundalo.

An eye for an eye, a tooth for a tooth, ‘ika nga.

Dahil sa kanyang unconventional na pamamaraan sa pakikipaglaban sa mga rebelde ay nagalit sa kanya ang mga grupong militante. Sila ang nagbansag kay Palparan na berdugo.

Dapat hinay-hinay ang Pangulong Noynoy sa pag-uusig kay Palparan dahil baka mawalan siya ng suporta sa AFP.

Kapag may nangyaring di kanais-nais kay Palparan habang siya’y naka-detain, baka sisihin ang Pangulo ng Armed Forces.

Para hindi na tuluyang mawalan ng respeto ang military sa kanya, dapat ay iutos ng Pangulo na ma-detain si Palparan sa isang military jail.

Nanganganib kasi ang kaligtasan ni Palparan kapag siya’y makulong sa Bulacan provincial jail.

Sinabi na ng AFP chief na si Catapang na tutulong ang military upang matiyak ang kaligtasan ni Palparan.

Ito’y pahapyaw na warning na kapag may nangyari
sa retired general ay hindi masasaktan ang military.

Pumayag na kasi ang Malakanyang na i-detain si Palparan sa isang military jail sa halip na sa Bulacan provincial jail upang matiyak ang kanyang kaligtasan.

Mismong ang malapit na kaalyado ni -P-Noynoy na si Sen. Antonio Trillanes IV, ang nagbigay din ng ganoong panukala.

Sinabi ni Trillanes na ang mga krimeng binibintang kay Palparan ay nangyari noong siya’y commander ng Philippine Army.

Tama lang na ikulong siya sa military jail at hindi sa kulungan ng mga ordinary criminals.

Read more...