Gilas gulpi sa Ukraine

TINAPOS ng Gilas Pilipinas ang paglalaro nito sa Antibes International Basketball Tournament na walang panalo matapos ilampaso ng Ukraine, 114-64, kahapon ng umaga sa larong ginanap sa Azur Arena sa Antibes, France.

Hindi pinaglaro ng Team Philippines sina Andray Blatche at Paul Lee at tanging sa kaagahan lamang ng unang yugto sila nakasabay sa laro na kung saan naghabol sila mula sa 51 puntos sa pagkatalo na ayon kay coach Chot Reyes ay makakatulong sa kanila.

“We needed that,” sabi ni Reyes sa kanyang Twitter account @coachot dahil sa mga leksiyon na matututunan nila sa apat na bansang torneo na kinabibilangan din ng Australia at host France.

Ang Gilas ay natalo sa France, 75-68, noong Biyernes bago tinambakan ng Australia, 97-75, noong Sabado.

Naghulog ang Ukraine ng 19 three-pointers laban sa Pilipinas, na nagkukumahog na makahabol sa katunggali matapos na mapag-iwanan ng 21 puntos, 40-19, sa ikalawang yugto.

At sa likod ng 25-of-38 field shooting, kabilang ang 9-of-13 three-pointers, ang mga Ukrainians ay hinawakan ang 61-35 bentahe sa halftime.

Read more...