GILAS LINEUP SA FIBA WORLD CUP BUO NA

SINA Paul Lee at NBA player Andray Blatche ang kukumpleto sa 12 manlalaro na babalikatin ang Pilipinas sa FIBA World Cup sa Spain na magsisimula sa Agosto 30.

Ipinaalam kahapon ni national coach Chot Reyes gamit ang kanyang official Twitter account na sina Lee at naturalized player Blatche ang makakahalili ng injured na si Larry Fonacier at Marcus Douthit sa lineup.

“We are tapping Paul Lee to take Larry Fonacier’s spot & Andray Blatche as our naturalized player for the World Cup,” tweet ni Reyes.

Mangangahulugan ito na ang 10 iba pang manlalaro na kumuha ng pilak sa FIBA Asia Men’s Championship sa bansa noong nakaraang taon ang maglalaro rin sa World Cup.

Ang mga ito ay sina LA Tenorio, Jimmy Alapag, Jason Castro, Jeff Chan, Gary David, Marc Pingris, Ranidel de Ocampo, Japeth Aguilar, Junmar Fajardo at Gabe Norwood.

Si Jared Dillinger na ipinasok sa pool kasama ni Lee ay hindi sasalang sa Spain pero maglalaro siya sa 17th Asian Games sa Incheon, South Korea bilang kahalili ni Alapag.

Ang pagpasok nina Lee at Blatche sa FIBA World Cup ay magbibigay daan para magkaroon pa sila ng panahon para masanay ang mga teammates bilang paghahanda sa Asian Games na kung saan hindi bababa sa pangalawang puwestong pagtatapos ang inaasahan sa koponan.

Mas mataas ang ekspektasyon sa Asian Games dahil bukod sa pumangalawa na ang Nationals sa FIBA Asia meet, mas malakas din ang koponan dahil sa pagpasok ng mas bata at mas mahusay na sentro sa katauhan ni Blatche.

Read more...