Noon pa ay iniidolo na ng Teleserye King na si Coco Martin ang dalawa sa mga veteran stars na kasama niya ngayon sa Primetime Bida series na Ikaw Lamang.
Ang tinutukoy namin ay sina Joel Torre, na gaganap bilang Samuel sa pagpapatuloy ng kuwento ng Ikaw Lamang at Christopher de Leon na siyang gaganap na Franco (ginampanan ni Jake Cuenca sa book 1).
Nagsilbing inspirasyon ni Coco ang dalawang award-winning actors mula pa noong nagsisimula pa lang siyang gumawa ng pangalan sa showbiz. Hinding-hindi raw talaga matatawaran ang galing nina Boyet at Joel pagdating sa pag-arte.
“Sina Tito Boyet at Tito Joel, isa po silang inspirasyon para sa akin. Sobrang saya ko na kapag nakatrabaho ko ang mga aktro na kagaya nila. Napakarami ko pong natututunan sa kanila,” ani Coco.
“Sa kanila ko natutunan yung discipline pagdating sa trabaho. Nakikita ko ‘yung dedication nila pagdating sa trabaho. Siyempre nandoon din po ‘yung marami akong natutunan sa kanila pagdating sa personal na buhay,” sabi pa ng binata.
Sino kaya kina Joel at Boyet ang masasabing pwedeng maging “peg” ng kanyang career sa showbiz, “Honestly hindi ko po alam kung saang direksyon ako mapupunta. Kumbaga, nandoon pa lang ako sa gumagawa ako ng direksyon para sa sarili ko.”
Pero ani Coco, parang mas marami siyang nakikitang pagkakapareho nila ni Joel, lalo na noong magkasama sila sa seryeng Juan dela Cruz, “Si Tito Joel, marami kaming similarities. Kapag nasa set ako, inaaral din ko sila ‘di lang bilang aktor (kundi pati) bilang tao. Sabi ko nga, ayaw ko namang umalis sa industriyang ito o sa trabahong ito na parang dumaan lang.
“Sabi ko, sana dumating ang araw na marating ko yung narating nina Tito Joel at Tito Boyet na hindi ka man sumikat na sumikat, eh matatandaan ka ng tao dahil sa mga ginawa mo,” chika pa ng aktor.
Asahan daw ang mas matitindi pang eksena sa Ikaw Lamang ngayong marami pang nadagdag na karakter sa serye, lalo na ang gagawing paghihiganti ni Gabriel (Coco) sa mga taong may atraso sa kanya. Kaabang-abang din ang magiging “relasyon” nila ni
Natalia (KC Concepcion), ang kapatid ni Andrea (Kim Chiu). Napapanood pa rin ang number one teleserye sa balat ng telebisyon weeknights after Hawak Kamay sa ABS-CBN Primetime Bida.