Ito ba talaga ang Tuwid na Daan?

HINDI dapat balewalain agad ng gobyerno ang alegasyon laban kay NFA Administrator Arthur Juan matapos siyang akusahan ng pangingikil ng P15 milyon ng isang rice trader.

Batay sa alegasyon ng rice trader na si Jomerito “Jojo” Soliman matapos maghain ng reklamo laban kay Juan sa National Bureau of Investigation (NBI), sinabi umano ni Juan na paghahatian nilang tatlo nina Interior Secretary Mar Roxas at Presidential Assistant on Food Security Francis “Kiko” Pangilinan ang P15 milyon.

Agad namang nagbitiw si Juan matapos ang akusasyon laban sa kanya bagamat hindi ito tinanggap ni Pangilinan.
Kapwa itinanggi na ni Roxas at Pangilinan ang ibinabato ni Soliman sa pagsasabing binabalikan lamang sila matapos i-raid ang kanyang warehouse sa Bulacan noong isang buwan.

Si Juan ay ipinasok ni Pangilinan matapos siyang maupo sa Gabinete ni Pangulong Aquino ilang buwan na ang nakakaraan.
Matindi ang alegasyon ni Soliman kay Juan.

Kung totoo man ito o gawa-gawa lamang ni Soliman para siraan si Juan at sina Roxas at Pangilinan ay hindi pa natin alam.

Nasa kamay na ng NBI na imbestigahan ng patas ang akusasyon ni Soliman.

Tiniyak naman ni NBI Director Virgilio Mendez na nagsasagawa na ng imbestigasyon laban kay Juan at sa assistant nito, bagamat hindi na nagbigay ng detalye hinggil sa inihaing reklamo.

Inaabangan na ng lahat ang magiging resulta ng imbestigasyon ng NBI at ang nais lamang ng lahat ay mapanagot ang maysala.

Sa harap kasi ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas, hindi maiwasan ng ordinaryong mamamayan na mapailing na lamang.

Sa kabila kasi ng kampanya ng pamahalaan na habulin ang mga rice traders na sangkot sa pagre-repack ng NFA rice at ginagawa itong commercial rice, wala pa ring magawa ang gobyerno para mapigilan ang paggalaw ng presyo ng commercial rice.

Ang laging ipinagmamalaki ng gobyerno ay may sapat namang NFA rice para sa mga mamimiling hindi kaya ang mataas na presyo ng commercial rice. Taliwas naman ito kapag pumunta ka sa mga palengke dahil hindi naman regular na may suplay ng NFA rice.

Ito’y sa kabila na napakarami nang inangkat na NFA rice.

Ang tanong tuloy ng mamamayan ay kung napupunta lamang ang NFA rice sa iilang rice trader para gawing commercial rice.

Hindi rin masisisi ni Pangilinan ang publiko na magduda sa kanyang integridad dahil sa akusasyon ng pangingikil.

Kung ito ay gagawa lamang ni Soliman, malalaman natin ito sa magiging resulta ng imbestigasyon ng NBI.

Tuloy naman ang pagtitiis ng mga mamimili sa nagtataas presyo ng bigas. Ito ba talaga ang Tuwid na Daan?

Read more...