MARUNONG din palang magbiro itong si Pangulong Noynoy.
Masakit ang kanyang biro para kay Vice President Jojo Binay.
Ang biro ni Noynoy: Okay raw siya na palawigin ang kanyang termino at amyendahan ang Saligang Batas na naglilimita ng anim na taon na walang reelection ang termino ng pangulo.
Siyempre, ninerbiyos si Binay na atat na atat na tumakbo sa pagkapangulo sa 2016.
Nangunguna si Binay sa mga surveys.
At kung maipasa ang panukala na baguhin ang Constitution sa aspeto ng presidential term limit, saan pupunta si Binay?
Siyempre, between Noynoy and Jojo Binay, the people would vote for Noynoy because he’s honest and a man of integrity.
Si Binay kasi, na da-ting mahirap at nakatira sa red light district ng noon ay Culi-Culi (sa boundary ng Makati at Pasay), ay iboboto ng masang Pilipino dahil nanggaling siya sa masa.
Sa mga masa, iboboto si Binay dahil akala nila ay aalagaan niya ang kapakanan ng mga mahihirap dahil siya’y mahirap noon.
Pero ngayon, mayaman na mayaman na si Binay at ang kanyang pamilya.
Hindi alam ng masa kung paano yumaman si Binay, at wala silang pakialam kung paano siya yumaman. Basta ang alam nila ay siya’y mahirap noon.
Pero sa mga taong may alam tungkol sa pinanggalingan ng kayamanan ng mga Binay, ayaw nilang maging pre-sidente si Jojo Binay.
Mas lalo sigurong ayaw ng mga negosyante na maging pangulo si Binay. Itanong ninyo sa kanila kung bakit.
qqq
Kaya’t nagbiro si Pangulong Noynoy na maaaring pumayag siya na i-extend ang kanyang termino dahil alam niyang ninerbyusin si Binay.
Sabi ni Akbayan Rep. Walden Bello, na isa sa mga intelihenteng mambabatas, nagbibiro lang si P-Noynoy.
“I think the President is just having a bit of fun (making that joke)…If I were in his place, I’d get my kicks the same way,” sabi ni Bello.
Naaawa raw si Bello kay Binay dahil baka di na niya nakakatulog sa biro ng Pangulo.
Pero kung ako ang tatanungin, ayaw ko siyempre na bigyan ng pangalawang termino si Noynoy dahil gaya ng kanyang ina, ang yumaong Pangulong Cory, siya’y walang kaalam-alam sa pagpapatakbo ng bansa.
Pero kung wala na talagang iba, pipiliin ko si Noynoy kesa kay Binay.
Langit at lupa ang pagitan ng dalawa kung honesty and integrity ang pag-uusapan.
Bakit ko nasabing nagbibiro si Pangulong Noynoy sa pagpapalawig ng kanyang termino?
Dahil ang Mababang Kapulungan at ang Senado ay kailangang maging constituent assembly
upang pag-usapan ang pag-amyenda ng Saligang Batas.
Matagal na proseso ang gagawin nila.
Gipit na sa panahon between now and the May, 2016 presidential elections.
Marami pa ring aasikasuhin ang dalawang kapulungan ng Kongreso: pagpapasa ng mga bagong batas, pag-iimbestiga in aid of legislation (kuno), at pakikinig sa mga nakakabagot na privilege speeches.
Paano maipapasa ang pag-amyenda ng Saligang Batas bago dumating ang 2016 presidential elections sa maikli na lang na panahon, aber?