Maka-2 sunod kaya ang UP Maroons?


Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
2 p.m. UST vs Adamson
4 p.m. UE vs UP
Team Standings:
Ateneo (6-1); FEU (5-2); La Salle (5-2); NU (5-2); UE (3-4); UST (3-4); UP (1-6); Adamson (0-7)

SUSUBUKAN ng inspiradong University of the Philippines Fighting Maroons na makatuhog ng dalawang sunod na panalo sa pagsagupa nito sa host University of the East Red Warriors sa pagsisimula ng second round ng 77th UAAP men’s basketball ngayong hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.

Ang laro ay itinakda dakong alas-4 matapos ang unang laro sa pagitan ng University of Santo Tomas at Adamson University sa ganap na alas-2 ng hapon. Magkasalo ang Red Warriors at Growling Tigers sa ikalima at anim na puwesto bitbit ang 3-4 karta.

Galing ang UE sa 72-62 tagumpay sa UST sa huling asignatura at kung magwagi sa Fighting Maroons ay mapapantayan ang two-game winning streak na pinakamahaba nila sa season.

Umani ng 87-59 panalo ang Warriors sa Maroons sa unang pagtutuos pero malaki ang posibilidad na mas maganda ang labang ipakikita ng UP matapos makatikim ng panalo sa huling dalawang taon sa pamamagitan ng 77-66 tagumpay sa Soaring Falcons.

Si Roi Sumang ang huhugatan ng lakas ng UE pero dapat na magsimulang magdomina sa ilalim si Charles Mammie upang makahabol ang tropa sa Final Four.

Sina Mikee Reyes at JR Gallarza na tumapos taglay ang career-high 28 at 24 puntos sa naitalang unang panalo matapos ang 28 laro, ang mga aasahan ng UP.

Hindi nakatikim ng panalo ang Adamson sa pitong laro pero binigyan ng koponan ng mahirap na laban ang UST na nanaig lamang taglay ang isang puntos, 50-49.

( Photo credit to inquirer news service )

Read more...