BUO na nga ang Philippine basketball team para sa Asian Games na gaganapin sa Incheon, South Korea sa isang buwan.
Nawala sa original 12-man lineup ng Gilas Pilipinas team na sumegunda sa FIBA Asia Men’s tournament noong nakaraang taon sina Larry Fonacier at Jimmy Alapag na nagpasabing nais nilang magpahinga dahil sa mga injuries na dumapo sa kanila at ang naturalize player na si Marcus Douthit.
Sila ay pinalitan nina Paul Lee, Jared Dillinger at Andray Blatche. Si Blatche, na mas matangkad kay Douthit, ay nakakuha na rin ng kanyang naturalization papers kamakailan. Siya ay kasama ng Gilas Pilipinas squad sa kanilang training sa abroad.
Incidentally, ipagdiriwang ni Blatche ang kanyang ika-28 kaarawan sa Agosto 22. Naiwan sa Gilas Pilipinas sina Ranidel de Ocampo, Jayson Castro, LA Tenorio, Japeth Aguilar, Marc Pingris, Gabe Norwood, Jeff Chan, Gary David at June Mar Fajardo.
Hindi naman ibig sabihin na kung ito ang koponang ipapasok natin sa Asian Games ay ito na rin ang koponang lalaro sa World Basketball tournament na gaganapin sa Spain simula sa katapusan ng buwan na ito.
Puwedeng iba ang lineup na ipasok doon ni coach Vincent “Chot” Reyes matapos ang managers’ meeting na gaganapin before the tournament. Pero sa Asian Games ay ito na nga ang lineup.
Sa totoo lang, mas mahalaga para sa Pilipinas ang Asian Games kaysa sa World Championship. Realistically, puwede kasi tayong magkampeon sa Asian Games.
Ang paglahok sa World tournament ay bahagi lang ng insentibong nakuha natin bunga ng pagsegunda sa FIBA Asia meet na ginanap sa Maynila noong isang taon.
Pero kung titingnang maigi ang kompetisyon sa Spain, parang napakahirap na makaisang panalo man lang. ‘Yung nga lang ang realistic dream natin sa Spain, e. Makaisa. At ito ay kontra sa Senegal na siyang kakatawan sa African continent.
Noong kasing nakapaglalaro pa tayo sa Olympics ay palagi nating nakakaharap ang Senegal at tinatalo natin. Kaya posibleng talunin pa rin natin ang koponang iyon bagamat mas matangkad sila kaysa sa atin.
Pero sa Asian Games, aba’y kalaban natin ang mga kanugnog bansa natin. Ang siste’y makakaharap na natin ang China. Makakatunggali rin natin ang mabibigat na teams buhat sa Middle East na siya ngayong umuusbong sa ‘powers’ sa basketball.
Sa nakaraang FIBA Asia Men’s Championship ay hindi natin nakaengkuwentro ang China kasi nasa ibang grupo iyon. Sa darating na Asian Games ay posibleng makatagpo natin ang China.
Sa paghaharap na ito ay makikita kung ano ang ibinunga ng ating paghahanda. Siguro naman ay magandang laban ang maibibigay natin sa kanila.
Siguro naman ay puwede nga tayong mangarap na magkakampeon sa Asian Games!