Eugene nakuha ang akting ni Nora sa ‘Barber’s Tales’
PINANOOD namin ang “Barber’s Tales” sa first day of showing nito at nakalulungkot dahil iilan lang kami sa Trinoma cinema 4. Pero umaasa kami na maraming manonood nito ngayong weekend.
Ang ganda ng cinematography ng “Barber’s Tales” dahil maski na hatinggabi at sa bundok kinunan ang mga eksena ay malinaw pa rin ang buong paligid.
Habang pinanonood namin si Eugene Domingo ay pakiramdam namin ay siya si Nora Aunor dahil halos pareho na sila ng acting, gayang-gaya na ni Uge ang mga mata ng nag-iisang Superstar kaya siguro rin napapayag si Ate Guy na magkaroon ng cameo role bilang suporta sa nanalong Best Actress sa Tokyo International Film Festival.
Bilib kami kay Mr. Eddie Garcia dahil pumayag siyang mag-shooting sa isang liblib na lugar na ilang ilog ang tatawirin bago mo marating ang location, isinakay kaya sa chopper ang beteranong aktor kasama ang ibang artista para hindi mapagod?
Tanda namin ay lagare ang beteranong aktor sa shooting ng “Barber’s Tales” at taping noon ng Juan dela Cruz ni Coco Martin.
Kasi base sa kuwento sa amin noong sinu-shoot pa ang movie ay sobrang hirap ang dinanas ng lahat para lang marating ang location na hindi mo aakalaing may mga tao pa sa lugar at bago mo marating ay apat na ilog at tatawirin bukod pa sa ilang oras mong lalakarin para makatawid ng bundok.
Pero sulit ang hirap ng buong produksiyon ng pelikula dahil napa-kagandang lumabas ang produkto. Ang galing-galing ni Gladys Reyes bilang kaibigan ni Uge na ginagawang palahian ng asawa dahil maski na nahihirapan siya sa papel niyang buntis ay talagang tinutulungan niya ang kaibigang namatayan ng asawa.
Sa unang pagkakataon ay napanood naming hindi kontrabida si Gladys at bagay naman din pala siyang maging mabait. Nai-imagine namin na parati siguro siyang naka-pajama kapag hindi siya kinukunan dahil nga alagang-alaga niya ang kutis niya, e, di ba sa liblib na lugar ay maraming lamok, bossing Ervin?
Maiksi lang ang papel ni Daniel Fernando bilang barberong asawa ni Uge at ang aktres nga ang pumalit sa trabaho nito nang mamatay.
Mahusay bilang kontrabidang Mayor si Nonie Buencamimo na forte naman niya kaya maninibago ang lahat kapag tumanggap siya ng papel na mabait tulad ni Gladys.
Hindi pa namin nainterbyu si Nicco Manalo na anak ni Jose Manalo at hindi pa namin siya nakikilala pero ang husay niya sa movie. Napakanatural ng acting niya.
Sigurado kami, sobrang proud ni Jose sa anak na kaliwa’t kanan ang papuri. Battered wife naman ang papel ni Iza Calzado at hindi magkaanak kaya naghahanap ng kaibigan na puwede niyang mahingan ng sama ng loob na nakita niya kay Uge hanggang sa nagpakamatay siya.
Ang huling eksena ni Uge ay sumapi na siya sa mga rebelde bilang si Luz na paboritong pangalan ni Iza. Maganda ang pagkakadirek ni Jun Lana at deserving naman niyang manalo ng best director sa Madrid International Film Festival.
( bandera.ph file photo )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.