ISANG misis ng OFW ang nakiusap na kung maari ay i-depot ang mister na nasa Brunei, kapati ang kinakasama nito.
Apat na taon na anyang nasa abroad ang mister, ngunit nitong huling dalawang taow ay hindi na ito umuuwi sa kanilang bahay.
Sa Facebook na lamang nalaman ni misis na may karelasyong iba na ang mister. May asawa rin ang babae na naiwan sa Pilipinas.
Sumunod na balita: May anak na ang dalawa.
Kwento ng misis ng OFW, nang umuwi ang mister para magbakasyon, hindi pa anya naibababa ang mga gamit ay may tawa na itong natanggap. Sabi ng mister mula sa agent niya ang tawag at hinahanapan na raw siya ng trabaho para makabalik agad sa abroad.
Paniwalang-paniwala naman si misis na agent nga ang tumawag sa asawa. Ngunit nang sumunod na mga tawag nito, lumalabas na si mister o di kaya’y pumapasok sa kanilang banyo upang doon makipag-usap.
Nagduda na si misis hanggang isang araw ay siya mismo ang nakasagot sa misteryosong tawag. Boses ng babae na naghahanap sa kaniyang asawa ang nasa kabilang linya. Siya raw ang misis ng OFW sa Brunei.
Hindi man matanggap, pinilit ni misis na kausapin nang malumanay ang asawa. Wala naman ‘anya siyang magagawa na kung magwawala pa siya. Kaya’t nasabi na lamang niya na kung nagloloko ito, huwag lamang niyang idamay ang kanilang anak na nagtatapos noon sa kolehiyo.
Palibhasa’y nasukol na, umamin na rin si mister. Matagal na ‘anya silang nagsasama ng naturang OFW at may anak na nga sila sa Brunei.
Ayaw na raw niya sa kanya dahil bungangera siya.
Kahit masakit ang kalooban, nakiusap na lang si misis sa mister na huwag pabayaan ang kanilang anak. Nangako naman si mister na hindi niya pababayaan ang kaniyang obligasyon. Ngunit ilang buwan lang ang nakalipas wala nang suportang dumating sa kanilang mag-ina.
Nakatuwang naman namin si Atty. Elvin Villanueva upang masagot ang mga katanungan ni misis.
Tahasang sinagot ni Atty. Villanueva si misis na hindi maaaring basta lamang ipadeport ang asawa nito pati na rin ang kinakasama nito. Gayong may mga employer na maaaring pagsabihan ang kanilang mga manggagawa hinggil sa kanilang responsibilidad sa pamilya, may ilan namang walang pakialam kung nagpapabaya man ang mga ito o hindi. Para sa kanila, kung wala namang nilalabag na mga kautusan at polisiya sa kanilang pagtatrabaho, mananatili pa rin ito.
Nang masabi naman ni misis na uuwi sa isang buwan ang asawa, maaaring sampahan niya ng paglabag sa Violence Against Women and Children ang asawa nito pati na rin abandonment. Kung may kaso na ang asawa, maaaring iyon ang magiging dahilan upang mahirapan na siyang muling makaalis at makapagtrabaho sa abroad.
Hinggil naman sa suporta sa anak, gayong hindi na pala menor de edad ang bata, hindi na rin ma-oobliga ang ama na suportahan ito. Ngunit wala namang nagbabawal sa kaniya na patuloy pa ring tulungan ang anak.