MAGSASAGAWA ang Gilas Pilipinas ng tatlong laro sa France bilang preparasyon bago sumabak sa 2014 FIBA World Cup sa Spain.
Ang Nationals ay tutungo sa Antibes, France kung saan makakalaro nila ang France, Australia at Turkey sa isang pocket tournament bago lumipad patungo ng Seville, Spain kung saan sasabak sila sa Group B preliminary round ng FIBA World Cup.
Pinangalanan naman ni National coach Chot Reyes ang lineup para sa 17th Asian Games – ang torneo matapos ang FIBA World Cup – at ang ang kanilang paglalaro sa France at Spain ay magbibigay na sa kanya ng ideya kung sino ang kanyang paglalaruin sa Seville.
Pag-aagawan nina Marcus Douthit at Andray Blatche ang puwesto para sa naturalized player ng koponan bagamat tinanggal na ni Reyes si Douthit sa Asian Games roster.
Magpapahinga si Larry Fonacier sa paglalaro ngayong taon bunga ng iniindang injury kaya tatlong manlalaro na lamang ang aalisin ni Reyes para sa FIBA World Cup.
Isinama naman ni Reyes sina Blatche, Jared Dillinger at Paul Lee sa Asian Games lineup kung saan papalitan nina Dillinger at Lee sina Fonacier at Jimmy Alapag sa koponan.
Ang iba pang kasama sa Asiad roster ay sina Jason Castro, LA Tenorio, Gary David, Jeff Chan, Gabe Norwood, Marc Pingris, Ranidel de Ocampo, Japeth Aguilar at June Mar Fajardo.