Si Cristalle Henares mismo ang nagsabi na sa pagdating ng kanyang ina ay trabaho agad ang haharapin nito.
Kung bubuksan natin ngayon ang puso ng magkapatid na direk Quark at Cristalle ay mapatutunayan natin na maligaya sila sa sitwasyong nagaganap ngayon sa pagitan nina Dra. Vicki at Hayden Kho.
Sabi ng aming kausap na malapit sa doktora, “Naaawa sila sa pinagdadaanan ng mommy nila, ‘yun ang reason kung bakit nu’ng nasa Amerika si Dra. Vicki, e, talagang sumuporta sila.
“Hindi nila iniwan ang mommy nila, in fact, pagdating sa Los Angeles ni Dra. Vicki, e, inabutan pa siya ni direk Quark ng flowers, talagang ipinaramdam nu’ng magkapatid na hindi dapat maging malungkot ang mommy nila dahil maraming nagmamahal sa kanya.
“Naku, kung ang magkapatid ang tatanungin, e, talagang ayaw na nilang makipagbalikan pa si Dra. Vicki kay Hayden.
Awang-awa sila sa mommy nila na sobra kung magmahal, pero binabalewala naman nu’ng Hayden na ‘yun na sinasaktan pa rin si Dra. Vicki sa kabila ng lahat ng mga ginagawa para sa kanya,” sarkastikong komento ng aming source.
Pero tama sina direk Quark at Cristalle, hindi naman ang kung ano ang gusto nila ang masusunod, kundi ang puso pa rin ng doktora.
Puro “I just hope” lang ang maikokomento ng magkapatid dahil baka nga naman bukas-makalawa lang ay nagkabalikan na pala uli ang dalawa.
Pinakamahirap nga namang ispilengin ang puso.
Kung saan ito maligaya ay dumodoon siya, kahit pa kontra ang buong mundo, kahit pa itakwil pa siya ng kanyang pamilya at ng mga kaibigan niya.