NGAYONG buwan ng Agosto ang Breastfeeding consciousness month. Nais ng Kagawaran ng Kalusugan na maipabataid sa buong mamamayang Pilipino na dapat piliin ang breast milk ng ina para sa anak.
Ang panawagan na ito ay sinasang-ayunan ng iba’t ibang lupon ng mga doktor at syentipiko ng buong mundo. Bakit nga ba?
Ang breast milk o ang gatas ng ina ang siyang pinakatamang nutrisyon para sa sanggol. Eksakto ang sangkap ng bitamina, protina, taba at asukal nito — kumpletong pagkain na magpapalaki at magpapalusog sa bata.
Ito ay nakahanda na sa tamang temperatura at kalinisan, sa anumang oras na ito ay kailanganin.
Mas madaling ma-digest ang gatas ng ina kaysa sa mga infant formula. Nagtataglay rin ito ng mga antibodies na panglaban sa mga mikrobyo gaya ng virus at bacteria.
Ang mga “formula milk” ay madalas na nagiging sanhi ng allergy at asthma.
Napag-alaman na mas kakaunti ang pagkakataon na magkaroon ng impeksyon sa tainga, lalamunan, baga at bituka ang mga batang napasuso ng gatas ng ina sa loob ng mahigit anim na buwan.
Samakatuwid, bukod sa tipid na sa gastos, tipid din sa pagdalaw sa doktor at pagpapaospital.
Matatalino rin ang mga batang napasuso. Hindi problema ang timbang ng bata habang lumalaki ito, naiiwasan ang obesity, diabetes, sudden infant death syndrome.
Ang pinaka-mahalaga sa lahat ay ang pagiging malapit ng sanggol sa ina — ang haplos at skin to skin contact, eye contact na nadudulot ng psyco-emotional bond.
Ang ina ay may malaking pakinabang din kapag nagpapasuso. Nakakapagbawas ng timbag pagkatapos manganak dahil nakakasunog ng calories ang breastfeeding.
Ang “oxytocin” ay nakakapagpaliit ng matres para bumalik sa dating liit nito bago mag-buntis. Nakakababa rin ito ng chances para magkaroon ng kanser sa suso at obaryo (ovaries).
Pati “osteoporosis” ay maiiwasan. Dahil hindi na kailangan bumili ng gatas, bote, nipples, at hindi na kailangan mag-sterilize, kaya napakala-king tipid ang maidudulot sa ekonomiya ng
pamilya.
Ang breast milk ay maaring kakaunti sa unang 3-5 araw ngunit ang unang gatas, ang Colostrum ay napaka-mahalaga para sa paghanda ng bituka ng sanggol sa breastfeeding. Hindi kinakailangan painumin ng iba pang likido ang sanggol gaya ng tubig at juice sa loob ng anim na buwan. Habang madalas ang pagpapasuso, mas marami din ang nagagawa na gatas.
Mahalaga ang nutrisyon ng ina habang nagpapasuso. Kailangan kumain ng tama, uminom ng maraming tubig at sabaw. May mga gulay gaya ng malunggay, talbos ng kamote at iba pa na nakakatulong sa pag-gawa ng gatas.