Little Olympics na lumalaki

ISA sa mga pinakaaabangan ng mga student athletes sa elementary at high school level ay ang taunang Milo Little Olympics.
Hindi ko minamaliit ang ibang inter-school at national sports competition na tulad ng Palarong Pambansa at Batang Pinoy pero mas mahusay ang mga organizers ng Milo Little Olympics.

Syempre naman. Full support yata ang Milo sa event na ito kaya sinisiguro nila na magiging mataas ang antas ng kompetisyon at organisasyon.

Pero hindi ito naging madali para sa Milo. Alam nyo bang noong nag-umpisa  ang Milo Little Olympics 27 years ago ay hindi gaano itong pinapansin ng mga paaralan.

Lumaki lamang ito nang ganito five years ago nang magdesisyon ang Milo na magkaroon ng National Finals. Dati kasi regional lang lang ang kompetisyon.

Yung mga taga-Mindanao sa Mindanao leg lang maglalaro gayundin ang mga taga-Visayas, sa Visayas leg lang sila malalaban-laban. Pero nag-level up ang Milo Little Olympics.

Mayroon na itong National Finals bukod pa sa apat na regional elims sa Mindanao, Visayas, Luzon at National Capital Region. Ibig sabihin nito, lahat ng gold medal winners ng apat na legs ay magkakasubukan sa National Finals.

This year, ang host ng National Finals ay ang NCR at gaganapin ito sa Marikina Sports Center sa Marikina City. Mula 2009 hanggang 2011 ay nakuha ng Visayas ang overall championship.

Sinagot naman ito ng NCR sa pag-agaw ng overall title nitong huling dalawang taon. Noong isang taon nga ay anim na puntos lang ang nilamang ang Team NCR (615 points)  sa Team Visayas (609) sa overall championship kaya naman ayon kay Milo sports executive Robbie de Vera, pinaghahandaan na mga ng Visayas student athletes  na mabawi ang kampeonato sa taong ito.

Hindi naman naaantig ang NCR regional organizer na  si Dr. Robert Calo. Sabi niya, mapapanatili ng host team ang kampeonato at maiuuwi nito ang “Perpetual Trophy” ng Milo Little Olympics.

Unang nakapag-uwi ng Perpetual Trophy ang Team Visayas ni Ricky Ballesteros nang pagharian nila ang unang tatlong taon ng National Finals.

Pero bago iyan ay magkakaroon muna ng regional elims ang NCR sa Agosto 22-24 at 30-31 sa Marikina Sports Center at iba pang venue sa Marikina.

Tapos na ang Visayas leg na ginanap noong August 1-3 at 9-10 sa Cebu City habang ang Mindanao leg ay nag-umpisa nitong weekend at magtatapos sa darating na weekend sa Cagayan de Oro City.

Ang Luzon elims ay gaganapin sa September 5-7 at 13-14 sa Baguio City at ang National Finals ay sa October 24-26 sa Marikina.
Ang mga sports na paglalabanan ay ang mga sumusunod: athletics, badminton, basketball, chess, football, gymnastics, scrabble, sepak takraw, swimming, table tennis, taekwondo, tennis at volleyball bukod pa sa cheer dance at cheerleading competition.

Bukod sa overall champion ay pararangalan din ng Milo Little Olympics ang  50 Most Outstanding Athletes ng National Finals. Ito ay bilang paggunita na rin ng 50 years ng Nestle sa Pilipinas.

Congratulations nga pala kay Rep. Abraham “Bambol” Tolentino (7th district of Cavite) na nahirang bilang  secretary general ng FIDE, ang world governing body ng chess.

Ginanap ang elections sa  Tromso, Norway kung saan nilalaro ang  41st Chess Olympiad. Si Tolentino, na dating mayor ng Tagaytay City (2004-2013), ay kabilang sa ticket ni incumbent Fide president Kirzan Ilyumzhinov na tinalo ang dating world champion na si Garry Kasparov sa score na 110-61 sa secret balloting.

Tinalo naman ni Tolentino, na  president rin ng Asian Zone 3.3 at secretary general ng  National Chess Federation of the Philippines, ang incumbent Fide secretary general na si Ignatius Leong ng Singapore.

Si Tolentino nga rin pala ang presidente ng PhilCycling. Nanalo rin ang iba pang miyembro ng Team Ilyumzhinov na sina  Georgios Makropoulos (deputy president), Aguinaldo Jaime (vice president), Martha Fierro Baquero (vice president) at Adrial Siegel (treasurer).

Kahapon sa   41st Chess Olympiad ay tinalo ng Pilipinas ang Pakistan, 3-1, sa 9th round ng Open Division.Nanalo sina GM John Paul Gomez at GM Jayson Gonzales habang nakahirit naman ng draw sina GM Julio Catalino Sadorra at FM Paulo Bersamina.
Makakalaban nila ngayon ang Bolivia.

Sa women’s ay nanaig din ang Pilipinas laban sa Costa Rica, 3.5-0.5.  Humirit ng panalo sina Janelle Frayna, Catherine Perena at Christy  Bernales habang nag-draw naman si  Jan Jodilyn Fronda. Makakasagupa ng mga Pinay ngayon ang bigating koponan ng Latvia.

Read more...