HINDI na bago para kay Kiefer Ravena na balikatin ang laban ng Ateneo Blue Eagles. Kaya naman tila hinigitan niya ang ginagawang pagbibida nang tulungan ang Blue Eagles na tapusin ang first round elimination sa 77th UAAP men’s basketball sa unang puwesto bitbit ang 6-1 karta.
Laban sa host UE Red Warriors, nagtala ng career-high na 38 puntos si Ravena para tulungan ang Blue Eagles na bumangon mula 21 puntos at manaig sa overtime, 93-91.
Mahina ang panimula ng Blue Eagles dahil masama ang laro sa first half ni Ravena na may 2-of-9 shooting. Pero nakuha ng 6-foot guard ang kanyang porma lalo na sa fourth period at overtime para manalo.
Isinalpak ang pull-up jumper para magtabla ang Blue Eagles at Red Warriors sa 80-all, lalo pang bumangis ang laro ni Ravena sa limang minutong extension nang angkinin ang huling puntos.
Bago ito ay tinulungan din ni Ravena ang Ateneo sa 63-61 panalo sa UST Tigers nang naisalpak ang 15-footer sa huling segundo ng labanan.
“He’ll always be the one to lead the team. It doesn’t matter whether he’s going to score or not. He has the ability to create situations,” wika ni Blue Eagles coach Bo Perasol.
Tinuran naman ni Ravena na nasa ikaapat na taon ng paglalaro na ang suporta ng mga coaches ang teammates ang nakakatulong para hindi siya makaramdam ng kaba sa ganitong sitwasyon.
“Iyong confidence ko kinukuha ko rin sa mga teammates ko. Nakakatanggal ng kaba kung ang mga teammates mo at mga coaches mo ay nagtitiwala sa iyo,” pahayag ni Ravena na nag-average ng 23 puntos, 5.14 rebounds, 5.14 assists at 1.43 steals sa 34 minutong paglalaro.
Dahil sa ipinakita, si Ravena ang ginawaran ng kanyang pangalawang UAAP Press Corps-Accel Quantum Plus/316 Player of the Week citation na may suporta pa ng Bactigel hand sanitizer, Doctor J Mighty Alcohol at Mighty Mom Anti-bacteria.
( Photo credit to inquirer news service )