WALANG itulak-kabigin kina Juneric Baloria ng University of Perpetual Help at John Pinto ng Arellano University na nagbida sa panalo ng kani-kanilang koponan para pagsaluhan ang AcceL Quantum-3XVI NCAA Press Corps Player of the Week sa nagdaang linggong aksyon.
Kinamada ni Baloria ang pinakamataas na naiskor sa liga sa taon na 32 puntos para bitbitin ang Altas sa 85-82 tagumpay sa Letran Knights noong Sabado.
Bago si Baloria ay naunang nagpasikat si Pinto nang siya ang naging arkitekto sa 67-66 panalo sa College of St. Benilde Blazers noong Biyernes para umangat sa 7-2 baraha.
May 19 puntos at limang rebounds si Pinto sa laro at ang kanyang offensive rebound at follow-up ang siyang nagbigay ng tagumpay sa Chiefs.
“Ito na ang huling taon ko sa NCAA kaya’t sisikapin kong gawin ang makakaya ko para matulungan ang team na manalo,” wika ng tubong Davao na si Pinto.
Tulad ni Pinto, si Baloria ay nagbabalak na sumali sa PBA Rookie Draft at nangako rin na pangungunahan ang paghahabol ng Altas ng titulo sa pinakamatandang collegiate league sa bansa.
Ang iba pang ikinonsidera sa lingguhang citation na may suporta ng Bactigel hand sanitizer, Doctor J Mighty Alcohol at Mighty Mom Anti-bacteria, ay sina Bernabe Teodoro ng host Jose Rizal University at American center Dioncee Holts ng Arellano.