SA alegasyon ng suhulan at ngayon ay pagbibitiw ng mga abogado na kumakatawan sa mga pangunahing akusado sa Maguindanao massacre, makakatamtan pa kaya ang hustisya para sa mga biktima ng masaker?
Nitong nakaraang mga araw, nagpapalitan ng alegasyon ang kampo ng mga private prosecutors at public prosecutors hinggil sa umano’y P300 milyong suhulan.
Naghamunan pa ang mga private prosecutors at ang Department of Justice (DOJ) kaugnay ng kontrobersiya.
Bagamat kapwa itinatanggi ng magkabilang panig na nakinabang sila sa umano’y panunuhol, hindi naman maiwasang mangamba lalu na ng mga biktima ng Maguindanao massacre, na abutin pa ng siyam-siyam ang pagdinig sa kaso.
Paano nga ba naman hindi tatagal ang kaso, imbes kasi na magtulungan, ang private prosecutors at public prosecutors pa ang nagbabangayan.
Isa lamang ang natutuwa sa nangyayari, ang mga akusado.
Paano kasi uusad ang kaso kung mismong ang mga nagsusulong nito ay hindi nagkakasundo at sila-sila ang nagbabatuhan ng putik sa isa’t isa.
Sumunod nga sa bangayan ang pagbibitiw ng tatlong law firm na siyang nagdedepensa sa mga Ampatuan.
Sa ginawang pagbibitiw ng defense lawyers, asahan na natin na lalo pang magtatagal ang pag-usad ng kaso. Andiyan na kung anu-anong mosyon ang ihahain ng mga bagong defense lawyers. Andiyan na hihingi sila ng mahaba-habang panahon sa korte para mapag-aralan ang kanilang hahawakang kaso.
Maging ang Malacañang ay aminado na maaaring delaying tactic ito ng mga akusado.
Dapat ay tiyakin ng DOJ na hindi ito papayag sa anumang uri ng dilatory tactic ng mga akusado, hindi
iyong itatali nito ang kanilang sarili sa pagtatanggol sa mg public prosecutors na idinadawit sa umano’y bribery scandal. Ang tiyakin dapat nila ay kung meron ba o walang suhulang naganap, at kung meron man, alamin kung sino ang mga nakinabang, at parusahan.
Sa mga nangyayaring ito, lalong mariin ang sigaw ng mga pamilya ng mga 58 na namasaker, kabilang ang 32 miyembro ng media: Hustisya!
Nangyari ang masaker noong Nobyembre 2009, at mahigit apat na taon ang nakalipas ay wala pa ring inaasahang liwanag ang mga kaanak ng mga nasawi. Halos dalawang taon na lang ang nalalabi sa kasalukuyang administrasyon ay hindi pa rin matiyak kung may pag-asa pang makukuha ang hustisya ng mga nasawi.
Nauna nang ipinangako ng administrasyon na titiyakin nito ang hustisya para sa mga biktima ng karumal-dumal na pagpatay. Maibibigay na kaya ito bago pa bumaba si Pangulong Noynoy sa 2016?
Ang tanging magagawa ng mga kapamilya ng mga biktima ay umasa na makakamtan pa rin ang katarungan para sa mga biktima ng masaker. Ito ang malungkot na reyalidad ng hustisya sa ating bansa.