Bulldogs sasakmalin ang ika-6 na panalo

Mga Laro Ngayon
(SM Mall of Asia Arena)
2 p.m. Adamson vs UP
4 p.m. NU vs FEU
Team Standings: NU (5-1); Ateneo (5-1); La Salle (4-2); UST (3-2); FEU (3-2); UE (2-3); Adamson (0-5); UP (0-6)

IKAAPAT na sunod na panalo tungo sa pangunguna sa liga matapos ang unang ikutan ang nakataya ngayon sa National University Bulldogs sa pagbangga sa Far Eastern University Tamaraws sa 77th UAAP men’s basketball ngayon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Kasalo ng Bulldogs ang pahingang Ateneo de Manila University Blue Eagles sa 5-1 karta at ang makukuhang panalo sa Tamaraws sa tampok na laro ay maglalagay sa koponan sa unang puwesto.

Rambulan para sa unang panalo sa season ang pag-aagawan ng Adamson University Soaring Falcons at University of the Philippines Fighting Maroons sa unang laro sa ganap na alas-2 ng hapon.

Para itaas ang morale ng kanilang manlalaro, isang selebrasyon ang balak ibigay sa Fighting Maroons kung manalo sila sa tagisan. Bitbit ang 0-6 karta, ang UP ay hindi pa nananalo mula 2012 para makapaglubid na ng 27-game losing streak.

Sa kabilang banda, may 0-5 baraha ang Falcons na gustong manalo para maisantabi kahit paano ang naunang masasakit na pagkatalo na kinatampukan ng pag-iskor ng 25 puntos lamang kontra sa Bulldogs.

May 3-2 karta ang Tamaraws na kung manaig sa Bulldogs ay sasaluhan ang nasa ikatlong puwesto na nagdedepensang kampeon De La Salle University Green Archers.

Talunan ang FEU sa huling laro nila kontra Ateneo, 78-81, kaya’t inaasahang gagawin ng mga bataan ni coach Nash Racela ang makabangon agad upang hindi lumasap ng magkasunod na talo sa liga.

( Photo credit to inquirer news service )

Read more...