IPINAGPATULOY ng Philippine men’s chess team ang magandang paglalaro matapos padapain ang Chile, 2.5-1.5, sa kanilang fifth-round match sa 41st Chess Olympiad na ginanap sa Mackhallen Hall sa Tromso, Norway.
Nakabangon mula sa masagwang paglalaro sa ikaapat na round si Grandmaster Julio Catalino Sadorra matapos talunin si GM Rodrigo Vasquez Schroeder sa kanilang duwelo sa board one at ipagkaloob sa Pilipinas ang mahalagang puntos.
Humirit naman si GM John Paul Gomez ng tabla kay GM Mauricio Flores Rios sa board two.
Ganito rin ang nangyari sa laro nina GM Eugene Torre at Fide Master Paulo Bersamina na nakihati ng puntos kina International Master Cristobal Henriquez Villagra at FM Pablo Salinas Herrera sa kanilang mga laro sa boards three at four.
Nakalikom naman ang No. 52 seed PH men’s team ng 11.5 puntos matapos ang limang laro at ang susunod nilang makakasagupa ay ang No. 41 seed Austria.
Ang Austrian men’s team ay may kabuuang 14 puntos matapos ang limang laban at galing sila sa kabiguan kontra No. 27 seed Belarus, 2.5-1.5.
Hindi naman nagawang makabawi ang No. 43 seed PH women’s team matapos biguin ng No. 14 seed Bulgaria, 3.5-0.5, sa kanilang fifth-round matchup.
Nabigo si WIM Chardine Cheradee Camacho na makahirit ng panalo kay GM Antoaneta Stefanova sa board one habang si WFM Janelle Mae Frayna ay pinataob ni WGM Iva Videnova sa board two.
Natalo rin si Christy Lamiel Bernales kay WGM Margarita Voiska sa board four.
Tanging si Jan Jodilyn Fronda ang nakahirit ng puntos matapos mapuwersa sa tabla ang laro kay WGM Adriana Nikolova sa board three.
Makakaharap naman sa ikaanim na round ng PH women’s team, na may nalikom na kabuuang 10 puntos matapos ang limang laro, ang No. 95 seed United Arab Emirates.
Ang UAE women’s team, na galing sa panalo kontra Trinidad & Tobago, 3-1, ay may kabuuang 8.5 puntos makalipas ang limang laban.