SIMULA 2008, di na ako nagmamaneho ng sasakyang apat o anim ang gulong sa Metro Manila. Sa taon 2008 nadama ko ang pagsisikip ng pangunahing mga kalye sa Metro Manila dahil sa dami, at napakaraming, sasakyan na apat, o anim, o 10 o 26 ang gulong. Nang dahil sa baradong kalye, nangyari na bumaba ako ng sasakyang apat ang gulong para umihi sa isa sa mga gulong nito: 45 minutong “di nakibo ang trapik,” anang isa sa pitong lasing sa Batangas.
Para di na ako “magtapon ng pera (‘ika nga)” sa mahabang pila at paghihintay sa trapik, motorsiklo na ang ginamit ko sa pang-araw-araw na pagyayaot mula sa Barangay Gaya-Gaya, San Jose del Monte City, Bulacan hanggang sa opisina ng Bandera sa Inquirer sa kalye Maskardo, Makati. Mula sa SJDM hanggang sa Inquirer (hanggang kahapon), ang biyahe ay nananatiling isang oras at kalahati, umulan man at umaraw, magbara man ang trapiko sa mga kalye. Ang takbo ng motor ay hindi lalagpas sa 60 kph. Kapag barado ang kalye at mahaba ang pila ng mga sasakyang apat ang gulong, tumatakbo pa rin ang motor sa gilid-gilid o gitna, pasingit-singit, ng 20-30 kph. Sa apat na gulong, mabilis na ang tatlong oras, mula SJDM hanggang Makati. Sa anim ang gulong (full-sized), tatlong oras at 45 minuto.
Noong 1960s, ang aking bisikleta (one speed) ay may plaka na kinuha pagkatapos aplayan sa Manila City Hall, para hindi na ito sitahin at tikitan. Ang biyahe mula Manuguit, Tondo hanggang UB (university belt) ay 35-45 minuto (Bagac, Abad Santos, Pampanga, Aurora, Dimasalang, Forbes, Lepanto, o pitong kanto lamang ang nilikuan). Sa pampasaherong jeepney, dalawang sakay at dalawang oras sa rush hour.
Sa isang tanggapan sa Corinthian Plaza sa Paseo de Roxas, Makati, si Tem (Artemio o Themistocles?) Reyes ay nakararating sa kanyang pinapasukang seguro ng 30 minuto, mula sa kanyang bahay sa A. Rita, San Juan, gamit ang mountain bike (10 speed). Si Tem ay isa sa mahigit 200 kawani sa Makati Central Business District na gumagamit ng bisikleta sa kanilang pagpasok sa trabaho. Si Rem (Remigio?) Guevarra, sales clerk sa isa sa gun shops sa Makati (Cinema) Square, ay nakararating sa kanyang trabaho sa loob ng 35 minuto mula sa kalye Laura, Pandacan, Maynila. Sina Tem at Rem ay kabilang sa “Fireflies.” Minsan sa isang taon, binibisikleta ng may 6,000 miyembro ang kalahati ng Metro Manila para itaguyod ang malinis na kapaligiran at malusog na pagbibiyahe.
Si Mila, hagad ng Manila Traffic Bureau (na ang headquarters ay nasa Port Area at kapitbahay lamang ng Evening Post, ang unang national daily na pinasukan ko) noong 1976 ay mataba, maganda at malaking babae. Bagay na bagay sa kanya ang big bike. Noon ay uso sa mga pulis-Maynila ang magpundar ng stainless owner-type jeep. Pero, minarapat ni Mila ang motorsiklo. Dahil sa mabigat na daloy ng trapiko sa Quiapo, Port Area, Divisoria at Blumentritt.
Si Mits Oconer, 19, ay naninirahan sa kalye Pampanga, Santa Cruz, Maynila. Ang kanyang trabaho ay sa isa sa mga tindahan sa Quericada st., malapit sa San Lazaro. Nararating niya ang Quericada ng 30 minuto, rush hour, gamit ang skateboard.
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Pinaasa lang ni PNoy ang applicant ng PLB loterya ng bayan. Extended pa rin ang STL. Ang masaklap, hanggang July 2016 pa. Alam kaya ito ni PNoy? From Iloilo …2574
Mayor Rody or Ping Lacson ang dapat maging presidente ng Pinas kasi walang disiplina ang Pinoy. Romy, Davao Oriental …5961
Mayor Oca Malapitan ng Caloocan. Paki asikaso ang proyekto dito sa Barangay 174 sa kalye Ilang-Ilang. Ito yung drainage sa kalye. Noon pang summer sinimulan, Agosto na hindi pa tapos! Lumabas ka naman ng Hyatt. Javier Asuncion …5993