NAKUNSENSIYA siguro si Mommy Dionisia Pacquiao kaya bigla siyang napaamin na totoong meron na siyang boyfriend ngayon.
Nu’ng una kasi ay idinenay pa niya ito, pero mismong ang anak niyang si Manny Pacquiao ang nagbuking na meron siyang kinakasama ngayong isang 40-year-old Cebuano.
Ayaw munang ibandera ni Mommy D ang identity ng kanyang boyfriend, pero ang first name raw nito ay Michael.
Sa interview nga kay Mommy D ng ABS-CBN, sinabi nitong nakilala niya si Michael sa isang sing-along birthday party. Mula raw noon ay lagi na silang magkasama hanggang sa maging magkarelasyon na ang dalawa. Nalaman daw ito ni Pacman dahil lagi na niya itong isinasama sa bahay.
“Kasi nakita niya one time, nakita niya may kasama ako sa bahay, dinala ko. Gusto ko ipakilala sa kanila. Pero hindi naman naharap ni Manny, hindi niya pa nasabihan, wala pa. Hindi ko pa alam kung anong gagawin,” sey pa ni Mommy Dionisia sa nasabing panayam.
Inamin din nito na kinausap niya nang personal si Pacman tungkol sa bago niyang karelasyon, pati ang plano niyang magpakasal uli.
“Sabi ko, ‘Ano payag ka ba mag-asawa ako ulit, anak?’ ‘Ma, masakit lang sa ulo iyan. Anong pipiliin mo – ang sundin ang katawan mo, o sundin ang Espiritu Santo?’ Sabi ko, ‘Ang Bible nandiyan lang. Ang Diyos, marunong siya magbigay ng partner,'” paliwanag pa ni Mommy D.
Natawa naman kami nang sabihin ng nanay ni Pacman na hindi pa naman siya seryoso sa bago niyang dyowa, “Ako, may boyfriend na, pero hindi ko siniseryoso. Siya, maghanap-buhay man, ako din naghanap-buhay. Sa ngayon, okay na na masaya ang tao sa akin, lahat ng tao na pinasaya ko sa TV.”
Hirit pa nito, “Hindi ko pa sigurado kung siya (Michael) na nga…kailangan ang puso natin, ang pagmamahal, ang pag-ibig, mag-iwan ka ng para sa iyo. Magtira ka ng para sa iyong katawan, para sa utak mo. Hindi mo ibuhos sa lalaki, hindi mo ibuhos sa boyfriend.”
“Huwag kayo mag-alala, lahat ng mga media, kung gusto ko na mag-asawa, magpa-video pa ako! I-broadcast ko sa mundo!” natatawa pang chika ni Mommy Dionisia.