ISANG malusog na araw sa kanilang lahat. Nawa ay laging kapayapaan ang nangingibabaw sa ating pagkatao.
Sinasabi ko ito sa kadahilanang ang mga karamdaman na pisikal ng isang tao ay may kaakibat na impluwensya ng mapaglarong kaisipan, makasariling pananaw, at pag-iipon ng negatibong enerhiya tulad ng galit, inggit, pagtatanim ng sama ng loob, mga bagay na hindi magdudulot ng katahimikan o kapayapaan.
Ano naman ang kinalaman ng kapayapaan sa ating kalusugan? Sanhi o epekto? Anong klase ng kapayapaan ang maaaring makaapekto sa kalusugan?
Madalas na sinasabi at napapakinggan natin ang salitang stress. Kapag nailagay tayo sa sitwasyon na hindi natin gusto ay sasabihin natin na stressed tayo. Kapag hindi tayo nakakatulog, tulala, pagod o kaya’y “lobat” ay malamang na hindi natin nadadala ng tama ang ating “stressors”.
Pero ang hindi alam ng karamihan na ang tao ang siyang gumagawa ng sarili niyang stress.
Ang pagnanasa ng isang tao na kontrolin ang lahat ng nakapaligid sa kanya ang dahilan kung bakit may dinadala siyang stress.
Halimbawa na lang ang insomnia, isang kundisyon na hindi tayo makatulog.
Malamang umiikot pa ang pag-iisip natin kung kaya’t gising na gising pa tayo kahit oras na nang pagtulog. Dahil dito, nai-stress tayo. Pagkagising, hindi tayo relaxed kasi hindi tayo nakapagpahinga nang maayos. Dahil dito, tumataas ang level ng stress, hanggang sa maging vicious cycle na ito na nagdudulot ng discomfort.
Ang discomfort na ito ay nagbubunga naman ng pagkain nang sobra, paggamit ng gamot, alak at iba pang bisyo.
Ang kapayapaan o “peace of mind” ay makukuha sa pamamagitan ng conversion, ang pagtanaw ng ating kaisipan sa sentro ng buhay, ang espiritwalidad.
Kinakailangan naka-angkla rito ang pamumuhay ng isang tao. Sa ganitong pananaw lamang mapapanatili na disiplinado ang kaisipan, kontrolado ang emosyon, maayos at malusog ang pangangatawan.
At ang ganitong pananaw ay tumutukoy sa posisyon ng tao sa harap ng kanyang Diyos.
Sino ba ang may kontrol? Kailangan lang piliin ng kaisipan ng tao ang katotohanan na ito at ang contentment ang aabutin nya, at kapayapaan ay makakamit niya. Ang kapayapaan na ito ay kakambal ng malinis na budhi.
Kung may kapayapaan sa pag-iisip, madali na maalis ang stress, ang pagtulog ay hindi na problema, paggising sa umaga ay maayos na ang pakiramdam. Wala na rin ang discomfort, feeling na lobat at kulang sa enerhiya.
Tandaan na ang enerhiya ng katawan ng tao ay maaring negatibo o positibo. Ang positibong enerhiya ay sikreto ng malusog na katawan at pag-iisip.
Importante na malaman natin na sa Diyos lamang nanggagaling ang positive healing energy at dumadaan ito sa atin kapag mapayapa ang ating kaisipan at ang ating puso. Desisyon lamang ito. Mas pipiliin mo bang maysakit ka o wala?
Inaanyayahan ko kayong magpadala ng inyong mga katanungan tungkol sa kalusugang pisikal, pangkaisipan, pang-damdamin o pang-puso, at pang-espirituwal sa 09999858606