Ilang OFWs sa Libya nangangambang di mapauwi sa PH

KUNG may mga kababayan tayo sa Libya na ayaw pa ring umuwi sa kabila ng panawagan ng pamahalaan na mandatory repatriation,  may ilan namang nagpadala ng kanilang mga pangalan sa Bantay OCW upang matulungan silang matawagan man lamang ng ating mga opisyal sa Philippine Embassy sa Libya at gustong-gusto na ring makauwi dahil sa tindi ng takot na nararanasan sa nasabing bansa.
Ayon sa email ni Rebecca Calanasan, nasa Yashfeen Maternity Clinic sa Trigshat Tajoura, Tripoli ang kapatid niyang nurse na si Emily Antonio pati na ang anim  pang mga kasamahan nito.
Mahigit isang taon na silang nagtatrabaho roon at nang malaman nilang nakahanda na ang pamahalaan sa pagpapauwi sa kanila, tumawag ang mga ito sa Philippine embassy sa Gargish.
Pero ang sabi sa kanila ng embahada, kailangan daw nilang personal na magtungo sa embahada  upang makapagpalista at matatakan ang kanilang passport for repatriation.
Ang problema, hindi naman anya sila makaalis dahil ayaw silang payagan ng kanilang employer  dahil natatakot siya para sa kanyang mga empelyado na pawang mga kababaihang nurse pa naman.
Ang alam din ng mga kababayan natin ay hanggang Agosto 14, 2014 na lang daw ang pagpapalista, at hindi na sila makakalabas sa nasabing bansa dahil sa malalang sitwasyon doon.
Malapit lamang umano ang kanilang klinika sa  highway ng Tajoura at  nasa tapat ng dagat.
Naisumite na namin ang mga pangalan nila sa tanggapan ni Vice President Jejomar Binay sa  pamamagitan ng ating partner na si Atty. Deo Grafil, at  hawak na ngayon ni Charge’ de Affairs Adel Cruz ng Rapid Response Team sa Libya ang mga  ito.
vvv
Samantala, isang email mula sa  Abu Dhabi, U.A.E. ang ipinadala ni Aldrin Panopio.
Kababasa lamang umano niya ng column ng Bantay OCW sa Philippine Daily Inquirer at agad inihingi niya ng tulong ang isang kababayan na hindi makapagpadala ng reklamo sa email dahil wala umano itong access sa Internet.
Wala rin daw load ang dalang cellphone kung kayat hindi makatawag at makapag-text.
Mahigit isang taon nang nagtatrabaho ang OFW bilang domestic helper doon.
Kahit may ahensiya naman na nagproseso ng kaniyang dokumento, binago ng agency niya sa Abu Dhabi ang kanyang kontrata. Ang $400 USD o 1,400 AED na siyang isinasaad ng batas sa Pilipinas na suweldo para sa mga HSW (household service worker) ay naging 1,000 AED na lamang at walang dayoff.
Napunta raw ito sa isang employer na Egyptian lawyer. Hindi naglaon, binawasan na naman ang suweldo niya at naging 600 AED na lamang at, katulad ng dati, wala pa ring day off.
Nakapagsumbong naman itong ating OFW sa Philippine Embassy sa Abu Dhabi at isang nagngangalang Bobby ang nakausap niya, pero ang tanging sinabi lang nito sa kanya ay pagtiisan na lang ang trabaho at wala silang magagawa sa kanyang problema.
Ibinigay ni Aldrin ang buong pangalan at mobile number ng ating OFW upang agad asikasuhin ng Bantay OCW. Hindi pupuwedeng walang magagawa ang ating embahada doon at aalamin nga namin kung wala nga ba talagang magagawa ang embahada sa kaso ng OFW.
Sundan ang mga susunod na kolum ni Susan K. para sa problemang ito.

Read more...