Mga Laro Bukas
(The Arena)
2 p.m. San Beda vs
Perpetual Help
4 p.m. Lyceum vs
San Sebastian
Team Standings: San Beda (6-1); Arellano (6-2); Perpetual Help (4-2); St. Benilde (4-3); Jose Rizal (4-3); Lyceum (4-4); San Sebastian (3-4); Letran
(2-5); Emilio Aguinaldo (2-5); Mapua (1-7)
SA PAGKAKATAONG ito ay nakitaan ng tibay ang Arellano sa endgame para maitakas ang 63-62 panalo sa Letran sa 90th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Kinamada ni Keith Agovida ang huling anim na puntos ng Chiefs habang si Dioncee Holts ay nagkaroon ng krusyal na block kay Ford Ruaya sa huling mga segundo ng labanan para makabangon ang Arellano sa 98-99 triple-overtime pagkatalo sa host Jose Rizal University sa huling laro.
Ikaanim na panalo sa walong laro ito ng bataan ni Arellano coach Jerry Codiñera para makadikit uli sa pahingang San Beda na nangunguna sa 10-koponang liga sa 6-1 karta.
“Big plays by Keith at Dioncee in the end helped us win this ballgame,” wika ni Codiñera na inagwatan din ng dalawang laro ang pumapangatlong University of Perpetual Help System Dalta.
Naunang naiwanan ng sampung puntos sa laro, ang Chiefs ay kampante nang nakalayo sa anim na puntos, 59-53, nang nagtulong sina Kevin Racal at Rey Nambatac sa 9-2 palitan upang ibalik sa Knights ang bentahe, 62-61.
Sinuwerte si Agovida na nakuha ang sariling mintis para sa follow-up pero sablay ang extra free throw upang magkaroon lamang ng isang puntos abante ang Chiefs.
Ang sumunod na tagpo ay nakitaan ng palitan ng sablay at mga errors at si John Pinto ay natawagan ng travelling violation para lumipat ang bola sa tropa ni Letran coach Caloy Garcia may 12.8 segundo sa orasan.
Malinaw ang utos ni Garcia na atakihin ang depensa ng Chiefs at muntik ngang nangyari ito nang pasahan ni Racal ang nasa ilalim na si Ruaya.
Pero nagdalawang-isip si Ruaya kung ititira na agad ang bola at nang nakapagdesisyon ay naroroon na si Holts para sa block.
Nagrambulan ang mga manlalaro sa magkabilang panig sa bola para maubos ang nalalabing segundo sa orasan.
May 14 puntos at limang rebounds si Agovida habang si Jiovani Jalalon ay naghatid ng 13 at sina Holts at Pinto ay naghatid sa 18 puntos. Tumapos si Racal taglay ang 14 puntos habang si Mark Cruz ay may 13 para sa Knights na natalo sa ikalimang pagkakataon sa pitong laro.
Sumosyo sa Knights ang Emilio Aguinaldo College Generals nang manaig sa Mapua Cardinals, 89-78, sa ikalawang laro.
( Photo credit to inquirer news service )