Ai Ai pang-best actress ang akting sa ‘RONDA’


SIGURADO kaming napakalakas ng laban ng Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas sa pagiging best actress para sa pelikulang “Ronda” na isa sa mga entry sa ginaganap na 10th Cinemalaya Film Festival sa CCP Theater sa Manila.

Napanood namin ang pelikula sa ginanap na gala premiere nito sa Tanghalang Nicanor Belardo at iisa ang naging komento ng mga kasabay naming nanood – aktres na aktres na nga ang Comedy Concert Queen.

Isa nga ang “Ronda” sa 10 pelikula na naglalaban-laban para sa New Breed category, ito’y idinirek ni Nick Olanka – tungkol ito sa isang babaeng pulis na gabi-gabing nagroronda sa madidilim na kalye ng Maynila.

Sa kabila ng mga personal niyang problema, lalo na sa kanyang pamilya, ay patuloy niyang nagagampanan nang maayos ang kanyang tungkulin bilang isang alagad ng batas.

Totoo ang sinabi ni Ai Ai – ibang-iba ang “Ronda” sa lahat ng mga pelikulang nagawa niya, at totoo rin ang chika niya sa press na mula simula ng pelikula hanggang ending – ni minsan ay hindi siya ngumiti.

Napakahusay ng pagkakaganap ni Ai Ai sa “Ronda”, lalo na doon sa mga eksena nila ng Kapuso young actor na si Julian Trono na gumaganap bilang anak niya at yung maikli ngunit intense na eksena nila ni Cesar Montano.

Grabe pala talaga ang halikan nina Ai Ai at Buboy dito, pati na rin ang bed scene nila kung saan nag-hello nga ng kaunti ang boobs ng Comedy Queen. Parang ito na yata ang pinaka-daring ng proyekto ni Ai Ai.

Habang pinanonood namin ang “Ronda”, parang kasama talaga kami ni Ai Ai habang iniikot ang Maynila, may “kaba” factor ang movie habang hinihintay mo kung ano ang magiging ending nito, lalo na ang pagresolba sa kaso ng kanyang anak.

Pero tulad nga ng nasabi ni Ai Ai, ang pinakamahalagang aral ng pelikula ay ang pagiging mabuting ina, aniya pa, “To know your children and have a good relationship and communication with them.”

Halos lahat ng nakapanood ng movie ay puring-puri ang akting ng komedyana. Ano naman ang realization niya after doing “Ronda”? “Na-realize ko na hangga’t nandito tayo sa industriya, meron pang room for improvement.

Ibig sabihin marami pa tayong kayang gawin pala, innovation. Alam mo ‘yung may ginagawa kang iba naman sa buhay mo.”
Pero ang talagang agaw-eksena sa movie ay ang babaerong partner na pulis ni Ai Ai sa kuwento na ginagampanan ni Carlos Morales.

In fairness, hanggang ngayon, natatawa pa rin kami kapag naalala namin ang mga dialogue ni Carlos. Hindi na namin ikukuwento kung bakit para panoorin n’yo.

Kasama rin dito sina Carlo Aquino, Angeli Bayani, Mon Confiado, Perla Bautista, Moi Bien at marami pang iba. Mapapanood ang “Ronda” at iba pang Cinemalaya entruies hanggang Aug. 10 sa CCP at ilang piling sinehan sa Trinoma at Greenbelt Cinema.

Ngayong araw maaari n’yo itong panoorin sa Trinoma cinema 1 (1:30 p.m.), Alabang Town Center Cinema 4 (1:30 p.m.) at Greenbelt 3 Cinema 4 (1:30 p.m.). Bukas showing ito sa CCP Little Theater Tanghalang Aurelio Tolentino (3:30 p.m.), at Trinoma Cinema 4 (4 p.m.).

( Photo credit to EAS )

READ NEXT
Blind guides
Read more...