Away-mayaman sa LRT1-MRT3 | Bandera

Away-mayaman sa LRT1-MRT3

Jake Maderazo - August 04, 2014 - 03:00 AM

SM North ba o Trinoma? Trinoma ba o SM North? Saan ba ilalagay ang central terminal ng magsasalubong na LRT1 (Baclaran) at MRT3 (EDSA)? Kelan ba magdurugtong ito para hindi nakapila sa init ng araw o ulan ang mga pasahero? Bakit isang dekada nang nakatengga ito?

Simple lang sagot,  away-mayaman sa pagitan ng Ayala-Manny Pangilinan kalaban ang SM group of companies ang dahilan kung bakit di masimulan ang central station. Ia-award na sana ng DOTC noong Biyernes sa Ayala-MVP group ang central station sa Trinoma, pero nakakuha ng Temporary Restraining Order sa Korte Suprema ang grupo ng SM.

Sa ngayon, ang dulo ng LRT1 ay nasa Roosevelt station samantalang ang dulo ng MRT3 naman ay sa North Avenue station. Kung ikaw ay lilipat, sasakay ka pa ng bus upang makarating sa dalawang terminal. Kung tutuusin, dapat ay matagal nang naitayo ang “common station” noong 2010 pero nagpalit ng administrasyon.

Noong panahon ni PGMA, kung saan malakas ang SM, nakakuha sila ng kontrata sa DOTC noong 2009 na doon ilagay sa tabi ng SM annex ang common station. Dumaan ito sa NEDA at gabinete ng ilang beses at plantsado na ang kontrata. Kasama rin sa plano ang pagsama sa itatayong MRT-7 (San Jose del Monte, Bulacan-SM north) na ang ruta ay deretso rin sa naturang “common station”. Nagbigay pa ang SM ng P200-M sa DOTC bilang “naming rights” sa itatayong terminal.

Pero nitong panahon ni PNoy, nagbago ang ihip ng hangin, at siyempre naging mas malakas naman ang mga Ayala. Sabi ni Dating DOTC Sec. Mar Roxas, sa Trinoma daw dapat ang common station at ibalik na lang ang pera ng SM . At ang itatayong MRT7 mula Bulacan ay doon din palikuin sa Trinoma. Ganito rin ang naging desisyon ng ngayo’y DOTC Sec. Joseph Abaya at nagpatawag ng public bidding sa LRT1 extension hanggang Cavite kasama ang “common station” sa Quezon City kung saan nanalo ang Ayala- Manny Pangilinan group. At dahil , nagisyu ng TRO ang Korte Suprema, back to square one na naman tayo.

Kung minsan, nakakapikang isipin na dahil sa away ng mga mayayayaman, ang serbisyo publiko at ang  konting ginhawang inaaasahan ng commuting public ay napupurnada.

Wala kaming pakialam kung sa Trinoma o SM North itatayo ang “common station” o ” central station” basta tama, legal at walang kinikilingan ang desisyon ng gobyerno. Aprubado noong panahon ni PGMA, na-dribol naman ng panahon ni PNoy at pagdating ng 2016, tiyak magbabago na naman ito.  Wala na bang katapusan ito?

Sarap sanang isipin na meron tayong Central Terminal sa Quezon City kung saan magsasalubong ang mga taga-Cavite, taga-Bulacan, taga-Antipolo, Kalookan, Pasay atbp para magpalipat-lipat sa mga trains ng LRT1-2, MRT3 at MRT7. Napakaganda talaga, kahit alam natin ang katotohanan na siguradong Itataas na naman ng mga negosyanteng ito ang mga pamasahe sa Tren.

Sana naman, kumilos na ng totoo ang gobyerno at resolbahin ang isyung ito, Hindi dapat pabayaang maburo sa hukuman ang kaso. Palibhasa kasi hindi kayo ang nakakaranas na pumila nang pagkahaba-haba, mabilad sa init o kaya ay maulanan, sa MRT at LRT. Sana naman, itigil na ng DOTC at ng susunod na administrasyon ang pagsuko sa mga mayayamang negosyante, at gawing totoo na ang “common station”!

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending