La Salle tinibag ang Adamson

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
2 p.m. NU vs UE
4 p.m. FEU vs Ateneo
Team Standings: NU (4-1); Ateneo (3-1); FEU (3-1); UST (3-1); La Salle (3-2); UE (2-2); Adamson (0-5); UP (0-5)

SUMANDAL ang De La Salle University sa mga pamalit habang ang mga beterano ang nagtrabaho sa University of Santo Tomas upang parehong mailista ng dalawang koponan ang ikatlong panalo sa 77th UAAP men’s basketball kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Hindi sinayang ni Kib Montalbo ang pagkakataon na maging starter bilang pamalit sa injured na si Thomas Torres nang ibagsak niya ang career-high 18 puntos mula sa 9-of-12 shooting para ihatid ang La Salle sa 67-48 panalo kontra Adamson University.

Wala rin sa nagdedepensang kampeon Green Archers ang malalaking manlalaro na sina Norbert Torres at Arnold Van Opstal at hindi rin maganda ang ipinakita nina Jason Perkins at Jeron Teng pero napunuan ito ng  magandang numero nina Paolo Rivero, Julian Sargent, Yutien Andrada at rookie 6-foot-6 center Abu Jahal Tratter.

“Just like how we approach every game, it’s not about who we play but what we want to accomplish,” wika ni Archers coach Juno Sauler. May 12 puntos at  anim na rebounds si Rivero, walong puntos sa huling yugto ang ginawa ni Sargent habang ang
6-foot-7 na si Andrada at Tratter ay nagsanib sa 13 puntos at siyam na rebounds para sa ikatlong sunod na panalo.

Ito rin ang ikalimang sunod na panalo ng La Salle sa Adamson mula 2011 para umangat din ang tropa sa ikalimang puwesto sa 3-2 karta. Si Jensen Rios ay mayroong 11 puntos para sa Falcons na nahigitan naman ang naitalang 25 puntos nang durugin ng National University sa huling laro tungo sa 0-5 baraha.

Sa kabilang banda, sina Karim Abdul, Louie Vigil, Aljon Mariano at Kevin Ferrer ang nagpasiklab sa malakas na pagtatapos ng Tigers tungo sa 73-57 pananaig sa University of the Philippines Fighting Maroons sa unang laro.

Naunang  nagdomina ang Maroons at nakalamang pa ng hanggang 11 puntos sa first half. Ang buslo ni Diego Dario ang nagpatikim pa sa Maroons sa 54-53 kalamanan sa huling 7:41 ng labanan.

Sa puntong ito nagising ang mga tigre at nagpakawala ng 20-0 bomba para tanganan ang 73-54 kalamangan. Ang triple ni Rey Gallarza ang bumasag sa mahabang pananahimik ng Maroons na bumaba rin sa 0-5 karta at nalasap ang ika-26th sunod na pagkatalo mula 2002.

( Photo credit to inquirer news service )

Read more...