ISA si Carla Abellana sa pinaka-busy na Kapuso star ngayon. Sunud-sunod ang pelikula niya sa Regal Entertainment at tuluy-tuloy din ang paggawa niya ng teleserye sa GMA 7.
In fairness, magaling naman talagang aktres si Carla at base na rin sa mga nakakausap naming production staff ng mga ginagawa niyang proyekto ay nagsasabing napaka-professional niya at walang kaarte-arte kaya masarap raw katrabaho ang Kapuso actress.
Sa solo presscon na ibinigay ni Mother Lily Monteverde kay Carla para sa latest movie nilang “Somebody To Love” na idinirek ni Joey Reyes, sinabi ni Carla na napakaganda ng taong 2014 para sa kanya dahil hindi siya talaga nawawalan ng trabaho.
Sa nasabing presscon, tinanong si Carla kung nagde-date na ba sila ng kanyang ka-loveteam sa seryeng My Destiny ng GMA 7 na si Tom Rodriguez, kalat na kasi ang balita na nanliligaw na sa kanya ang binata.
“I guess, timing is medyo mahirap lang din, kasi pareho kaming busy. Between the two of us, ako ang mas busy. So, nakakaawa rin na hindi ko naman siya mabibigyan ng time outside work,” anang dalaga.
Hirit pa nito, “How would we have time and where? Ako, ang taping ko araw-araw, kasi I have two shows, I have a variety every Sunday, may iilan akong endorsements. Kinakain talaga ng trabaho ang oras ko, so saan ko mabibigay ‘yon?
“Siguro even if he asks me out on a date, siguro ang maibibigay ko lang schedule…siguro kailangan pa niyang tanungin ang handler ko kung ano yung mga free days ko. Siguro December pa ‘yon,” pahayag pa ni Carla.
Sabi nga ng Kapuso leading lady sa posibilidad na maging magdyowa sila ni Tom, “We’ll see where it will take us.” Samantala, showing na sa Aug. 20 ang “Somebody To Love” kung saan dalawa nga ang magiging leading man niya, sina Jason Abalos at Matteo Guidicelli. Kasama rin nila dito sina Iza Calzado, Isabelle Daza, Maricar Reyes, Kiray Celis, Albie Casino, Manuel Chua, Beauty Gonzales, Natalie Hart, Ella Cruz at marami pang iba.
Kuwento ito ng mga taong iba-iba ang trip sa buhay kaya tiyak na makaka-relate tayong lahat. Kuwento ni Carla, maraming matututunan ang manonood sa pelikula nila, lalo na yung mga kabataang hindi na alam ang gagawin sa buhay nila sa sobrang dami ng problema at pagsubok sa buhay. “Basta, lalabas sila ng sinehan na magaan lang ang feeling.”