Mga Laro Ngayon
(The Arena)
2 p.m. San Sebastian vs San Beda
4 p.m. JRU vs Arellano
Team Standings: San Beda (5-1); Arellano (5-1); Perpetual Help (4-2); Lyceum (4-3); San Sebastian (3-3); JRU (3-3); St. Benilde (3-3); Letran (2-4); Emilio Aguinaldo (1-5); Mapua (1-6)
BABANGON ang San Beda College mula sa pag-lasap ng unang pagkatalo habang ikaapat na diretsong pagwawagi ang puntirya ng Arellano University sa pagpapatuloy ng 90th NCAA men’s basketball tournament ngayon sa The Arena, San Juan.
Papasok sa laro galing sa 76-83 pagyuko sa College of St. Benilde, asahan na totodo ng laro ang San Beda sa pagbangga sa San Sebastian College sa unang laro sa ganap na alas-2 ng hapon.
Naniniwala si Red Lions coach Boyet Fernandez na malaki ang natutunan ng kanyang mga manlalaro sa unang pagkatalo at nananalig siya na makikitaan ng mas agresibong opensa at depensa ang Red Lions.
Ngunit kailangang hindi magpabaya ang Red Lions dahil determinado ang Stags na putulin ang natamong dalawang sunod na pagkatalo.
Ang huling koponan na kanilang niluhuran ay ang nangungulelat na Mapua, 81-89, na siyang unang panalo sa liga ni Cardinals coach Atoy Co.
Katunggali naman ng Arellano ang host Jose Rizal University dakong alas-4 ng hapon.
Ang Chiefs ang pinakamainit na koponan sa liga ngayon matapos na maipanalo ang huling tatlong laro. Maganda ang panimula ng koponan dahil limang manlalaro nito ang may average na 10 puntos pataas upang maging number one offensive team ng liga sa 85.8 puntos average.
Sina Levi Hernandez (15), Jiovani Jalalon (12), Keith Agovida (12), John Pinto(12) at American player Dioncee Holts (10) ang mga aasahan uli ni Arellano coach Jerry Codiñera para manatili silang nasa unang puwesto sa team standings.
Handa namang pigilan ng bataan ni JRU coach Vergel Meneses ang Chiefs lalo pa’t sila ang number two defensive team ng liga sa ibinibigay na 68.5 puntos sa kalaban.