SA kabila nang nangyayaring kaguluhan sa Libya, kakaiba rin naman ang ilan nating mga kababayan.
Isang email ang natanggap ng Bantay OCW.
Meron pa itong kasamang litrato na parang nagpapahiwatig na handa sila sa nangayaring gulo sa Libya. Sa larawan, merong mga babaeng OFW na nakasuot ng helmet at handa na raw harapain ang gera.
Sa tingin ng ilan, hindi pa ganon kapanganib ang kanilang kinalalagyan. Dahil sa kabila Crisis Alert Level 4 na ipinatutupad ang gobyerno sa Libya, buo pa rin ang kanilang desisyon na huwag umuwi dahil kulang pa raw ang kanilang naiipon.
Sanay na nga naman daw sila sa araw-araw na putukan. Mas natatakot nga raw sila pag walang putukan na naririnig.
Iyan ang naging reaksyon nila ng magdeklara ng Crisis Alert Level 3 noon ang DFA. Tanong nila sa Bantay OCW kung bakit itinaas sa Level 3 gayong mas tahimik pa ‘anya kaysa dati.
Matapos ang isang buwan, sila rin ang nagpadala ng mga litrato ng mga nasusunog na eroplano sa Tripoli International Airport sa Libya. Anila, ang mga eroplanong nakahimpil doon, nasunog lahat dahil sa rockets. Maging ang control tower ‘anya, tinamaan din.
Pero di lumabas ang balitang iyon mula sa Libya. Limang araw pa ang lumipas saka nabalita sa mga international news channel ang mga nawarak na eroplano kasunod ng balitang may Pilipinong pinatay dahil sa hindi ito Muslim.
Akala ng marami, patapos na ang kaguluhan sa Libya. Ngunit muling sumiklab ito kung kaya’t nagdesisyon ang pamahalaan na itaas na sa alert level 4 at mandatory repatriation na ang ipinatupad doon.
Isa pang email mula sa Libya ang nagsasabing ang salitang “MAHIRAP o KAHIRAPAN” ang siyang nagpapatibay sa kanila upang kayanin ang lahat kahit pa anong klase ng giyera.
Mahirap ‘anyang humanap ng trabaho. Mahirap maghanap ng mataas na suweldo. Mahirap mag-abroad muli. Mahirap mag-process ng dokumento. Matagal ang proseso. Mahirap kumuha ng visa at marami pang iba… na sa maikli… “MAHIRAP” lahat.
Gayong hindi naman ‘anya sila mga bullet-proof doon, natatakot din, ngunit pinipili pa rin nilang manatili hangga’t maaari pa.
Sabi pa sa email, yung mga nag-avail ng programa ng pamahalaan na voluntary repatriation ay mga dati nang walang trabaho at overstaying na lang sa Libya; o sila na matagal nang hindi nakakauwi. Magandang pagkakataon na nga raw ito sa kanila para makalibre nang uwi sa Pilipinas.
Tapos heto banner story natin sa Bandera tungkol sa Pinay nurse na ni-rape ng apat na kabataan doon sa Libya. Ibig sabihin talagang malala ang sitwasyon sa nasabing bansa.
Umaasa na tayo na mapilit sana ng ating pamahalaan na mapauwi ang mga kababayan natin na nagbabakasakali pa rin sa Libya. Iyong mapapauwi sila nang buha pa at hindi nasa kahon.