Trillanes; kutsilyo sa mangga

TATAKUTIN tayo ni Trillanes (DAP din, sabi ni Gene) na may namumuong kudeta? Anak ng tsonggo. Kung siya nga namuno ng pag-aalsa ng ilang beses kay Gloria Arroyo, nabigo pa. At ang pinakahuling pagtatangka niya ay hinahanap na niya ang 11 milyon na bumoto sa kanta at tinangke pa. Nakatutuwa itong si Trillanes. Hahanapin ang 11 milyon habang nagmamartsa sa Makati ave. Luluwas pa ba ang karamihan sa kanila sa Maynila para saklolohan siya, eh, wala naman siyang ibinigay na pamasahe.

Napakalaswa namang tawaging sipsip si Trillanes sa soltero. Huwag. Huwag koya. Mahirap paniwalaan ang iginigiit ni Trillanes, pagbaligtarin man ang urinola. Hindi mamumuo, kailanman, ang iniisip ni Trillanes sa hanay ng retiradong mga heneral. Ang mga nagkudeta sa nanay ng Ikalawang Aquino at kay GMA ay mula sa hanay ng aktibong mga sundalo, kahit hindi sila aktibo sa bundok kaya naiisahan ng kalabang bulok.

Walang tangke ang retiradong mga heneral. Kung ikaw nga na may tangke noon ay hindi mo napabagsak si GMA dahil yung ale ay pinanigan ng US. Ang tangke ang nagpabagsak sa iyo sa Manila Peninsula, at lumabas na parang maamong gutom na tupa na nakayukod, kasama si Danilo Lim, ang walang “intelligence” sa Customs.

Ang kasalukuyang hukbo ay walang tinutuntungang lupa kaya hindi sila makatayo, kung gagamitin at kokopyahin natin ang napakaraming talinhaga ni Jesus, na nakasaad sa lahat ng Ebanghelyo ng mga apostol na nagpahayag at nagsulat (kung ikaw ay naniniwalang may Diyos). May lupang tinutuntungan ang napakaraming pag-aalsa nina Reynaldo Cabauatan at Gregorio Honasan laban sa ina ng boss mo. Hindi madaling maglunsad ng sanlinggong madugong kudeta (nakita ko ang nakabulagtang bangkay ni Kabo Acosta ng Army sa unang palapag ng Ritz Towers sa Ayala ave., Makati), pero nangyari nga iyan dahil meron silang tinutuntungang lupa.

Hindi bobo ang gumagaralgal na Ikalawang Aquino para di niya malaman na may namumuong kudeta, kahit di niya lubusang kawak ang buong hukbo dahil meron nang nakikipag-usap kay Jejomar Binay. Kung gusto mong papag-ingatin ang soltero, kailangang bantayan niya ang kanyang sarili sa resbak ng kanyang mga iningudngod sa sermon, batikos, pang-iinsulto, kaso at paulit-ulit na pandudusta. Matindi na ang galit ng mga iyan sa amu-amohan mo. At ang mga iyan ay merong taumbayan na sumusuporta sa kanila.

Sa susunod na pagsakay ninyo ng taxi sa Metro Manila, itanong muna ninyo sa driver kung meron siyang kutsilyo na pambalat ng mangga. Itanong din ninyo kung nagbabalat siya ng mangga habang nagmamaneho at nakikipagkuwentuhan sa inyo. Itanong din ninyo kung bakit mahilig siyang kumain ng mangga; baka makapulot kayo ng ginintuang kaalaman sa kalusugan para makaiwas sa sakit sa bituka, na maaaring mauwi sa colon cancer. Itanong din ninyo kung ang kapwa niya mga driver sa kanyang pinapasukang kompanya ay nagdadala rin ng kutsilyo na pambalat ng mangga. Kung kayo ay mahilig ding kumain ng mangga ay kaibigan ninyo ang driver na iyan. At magbaon na rin ng mangga at pabalatan ito sa taxi driver habang ipinagmamaneho niya kayo. Kailanman, hindi ako mapaglalalangan ng driver na ito. At kapag inilabas ko ang baril para di niya ako masaksak ng kutsilyo na pambalat ng mangga, ipuputok ko ito para hindi ako masaksak. Hindi ko siya papatayin, dahil kasalan sa Diyos iyan, di ba Father Nacorda ng Basilan (ang ganda ng M16 mo na nasa ilalim lamang ng altar habang nagmimisa ka)?.

MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Scripted pala ang SONA ni PNoy. At ito’y inamin mismo ni Coloma. Kaya pala malayo sa katotohanan at sa nagaganap sa amin. …2920

Kung magsalita si PNoy ay parang ang bait-bait niya at ang pinakamasama ay si Gloria Arroyo. Yun pala, siya ang lumalabag sa Saligang Batas. Huwag mambato ng putik kung marumi ka. Eds ng Davao …0209

 

Read more...