Mga Laro Bukas
(The Arena)
2 p.m. San Sebastian vs San Beda
4 p.m. JRU vs Arellano
Team Standings: San Beda (5-1); Arellano (5-1); Perpetual Help (4-2); Lyceum (4-3); San Sebastian (3-3); JRU (3-3); St. Benilde (3-3); Emilio Aguinaldo (1-4); Letran (1-4); Mapua (1-6)
KUMINANG ang laro ng mga reserves ng Perpetual Help para biguin ang Lyceum, 78-62, at wakasan ang two-game losing skid sa 90th NCAA men’s basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nakitaan din ng init ng paglalaro ang beteranong si Justine Alano sa kanyang 15 puntos habang may 10 pa si Joel Jolangcob upang may makatuwang ang mga gunners na sina Juneric Baloria at Earl Scottie Thompson.
Bago ito ay naibulalas ni Altas coach Aric del Rosario ang mahinang produksyon ng kanyang mga bench ang isa sa mga dahilan kung bakit sila natalo sa huling dalawang laro.
Si Baloria pa rin ang nanguna sa Altas sa kanyang 23 puntos bukod sa 9 rebounds, 5 assists at isang steal habang si Thompson ay may 13 puntos, 11 rebounds, 7 assists, 2 steals at 2 blocks.
Napigil ang tatlong dikit na panalo ng Pirates para ibigay uli ang ikatlong puwesto sa Altas sa 4-2 baraha. Nasa ikaapat ngayon ang talunang koponan sa 4-3 karta.
Naghatid naman ng walong puntos si Kevin Racal para buhatin ang Letran sa 63-61 panalo sa Emilio Aguinaldo College sa ikalawang laro.
Naghabol ang Generals mula sa double digit na kalamangan at ang limang sunod na puntos ni John Tayongtong ang naglapit sa koponan sa 62-61.
Nalagay sa free throw line si John Quinto at isa lang ang naipasok may 4.7 segundo sa orasan pero minalas na sumablay si Jan Jamon para maibigay ang panalo sa Knights.
May 19 puntos si Racal habang ang beteranong si Mark Cruz ay naghatid ng 13 at ang Knights ay nanalo sa ikalawang pagkakataon matapos ang anim na laro habang ang Generals ay lumasap ng ikalimang sunod na kabiguan sa anim na asignatura.