Matinding lungkot din ang hatid kay Piolo Pascual ng hindi pagre-rate ng kanyang bagong teleserye sa ABS-CBN. Hindi puwedeng itago ang bagsak na rating ng kanyang programa, naglalabas ng ratings ang Dos at GMA 7, bukod pa sa mismong taga-Dos na ang diretsong nagsasabing bagsak sa labanan ang serye ni Piolo Pascual.
Hindi maganda ang senyal na ibinibigay nito, kung wala namang problema sa daloy ng kuwento at wala ring problema sa casting ng serye ay puwedeng sabihin na ang problema ay nasa mga balikat na ni Piolo, tulad ng komento ng mas nakararami na hindi na siya malakas ngayon sa manonood.
Paano nga ba ipaliliwanag ng mga namamahala ng show ang katotohanang pinanonood ng mga kababayan natin ang mas nauunang news program ng istasyon, lumalagpak ang rating sa serye ni Piolo, pagkatapos ay tataas na naman ang numero sa kasunod niyang programa.
Ano ‘yun, naglilipat ng channel ang manonood kapag show na ni Piolo, babalik na lang sila uli sa Dos pagkatapos ng kanyang serye? Nakakaalarma na ang ganu’ng sitwasyon para sa dating tinitiliang si Piolo Pascual.
Hindi kaya nainis na rin sa kanya ang mga kababayan natin sa kasasabi niya na magpapahinga na siya, pero hindi niya naman ‘yun tinutupad, hanggang salita lang naman siya?
Palagi kasing naglalawit ng posibilidad ang aktor na magpapaalam na siya sa showbiz, magnenegosyo na lang daw siya sa Amerika kung saan nandu’n ang kanyang pamilya, pero hanggang ngayon naman ay nag-aartista pa rin siya.
Kailangang magamot agad ng network ang sitwasyon ni Piolo Pascual, malaking sampal para sa aktor ang ganyan kababang rating, poste pa namang itinuturing ng kanilang istasyon si Piolo.
( Photo credit to piolo pascual official fanpage )