HINDI lang ang P2.6 trilyong national budget para sa 2015 ang binabantayan, kundi maging kung sino ang papalit kay Commission on Elections chairman Sixto Brillantes.
Magreretiro na si Brillantes sa 2015, hindi na niya matatapos ang 2016 presidential elections.
Kaya naman mahalaga para sa mga nais na kumandidato kung sino ang itatalaga ni Pangulong Aquino na papalit kay Brillantes.
Kamakailan ay lumabas na ang balita na hindi na muling ni-reappoint ng Pangulo ang dating gubernador na si Grace Padaca na pinalitan ni Arthur Lim.
Minsan dumedepende ang resulta ng eleksyon sa galaw ng Comelec.
Sino nga kaya ang ilalagay ng Pangulo sa Comelec? Isa kaya sa miyembro ng kanyang Gabinete ang italaga niyang kapalit ni Brillantes na hindi gustong mangyari ng ilang kakandidato?
O humugot kaya siya sa labas ng departamento na itinutulak ng ilan niyang kaalyado para matulungan ang kanilang mga kandidato sa 2016.
Nang magsampa ng plunder case ang mga dating barangay captain sa Makati City, sinabi nila na hindi pulitika ang nasa likod ng kanilang paghahain ng kaso sa Ombudsman.
Marami ang hindi naniwala sa kanilang sinabi.
Bakit kasi hindi nalang nila sinabi na “Oo pulitika ito, kasi ayaw namin siyang maging presidente dahil ayaw naming gawin niya sa bansa ang ginawa niya sa Makati,” eh di tapos na sana ang kumukuwestyon sa kanilang motibo.
Hindi naman dahil sinabi nila na pulitika ay wala nang katotohanan ang kanilang alegasyon.
Mukhang nagpapa-alam na si Pangulong Aquino sa kanyang ika-limang State of the Nation Address.
At ang kanyang hiling ay ang pagpapatuloy ng tuwid na daan.
Pero ang tanong, sino ang gusto ng Pangulo na pumalit sa kanya sa 2016. Sino ang magso-SONA pagbaba niya sa puwesto?
Naghayag na si Vice President Jejomar Binay na tatakbo siya. Nariyan pa rin naman ang pangalan ni DILG Sec. Mar Roxas at lumutang na ang mga pangalan ng magninong na sina Sen. Grace Poe at dating Pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada.
Isa sa mga binabantayan ng publiko ay kung sino kaya sa kanila ang magpapalaya sa mga nakakulong na senador— Jinggoy Estrada, Ramon Bong Revilla, Juan Ponce Enrile.
Sa ganitong usapin mukhang lugi si Mayor Estrada.
At kung wala na si Estrada sa listahan, hindi siya nag-iisang kawawa dahil mukhang wala ring kakampi sa mga natira si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo.
May mga nagtampo kaya kay Aquino sa kanyang SONA.
May mga miyembro ng Gabinete na pinuri at syempre hindi lahat sila ay nabanggit.
Ibig bang sabihin ay hindi impressed ang Pangulo sa performance ng mga hindi niya binanggit? Hmmmmm.