PNoy naging emosyonal; namamaalam na?

NAGING emosyonal kahapon si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) sa harap na rin ng mga kontrobersiyang kinakaharap ng kanyang administrasyon sa nakalipas na mga araw matapos na ring ideklara ng Korte Suprema ang Disbursement Acceleration Program (DAP).
Halos mangiyak-ngiyak si Aquino nang banggitin niya ang mga magulang sa huling bahagi ng kanyang talumpati.
“Kung tinalikuran ko ang pagkakataon, parang tinalikuran ko na rin ang aking ama’t ina, at ang lahat ng inialay nila para sa atin; hindi po mangyayari iyon,” pagbibida ni Aquino.
“Sa paghakbang sa tuwid na daan, pinili ninyo ang mabuti at ang tama; tumotoo kayo sa akin—at ako naman po ay tumotoo sa inyo,” sabi ni Aquino habang nangingilid ang luha.
Kamakailan, sinampahan si Aquino ng impeachment kaugnay ng paggamit ng DAP ng iba’t ibang grupo.
“The Filipino is worth dying for. The Filipino is worth living for at idagdag ko lang po, the Filipino is worth fighting for,” ayon kay Aquino.
Umabot ng isa at kalahating oras ang naging talumpati ni Aquino kung saan umani ito ng 87 palakpak.
Kapansin-pansin din na ilang beses din na naubo ang pangulo sa kanyang talumpati.
Sinariwa pa ni Aquino ang naranasang kudeta noong panahon ng kanyang inang si yumaong dating pangulong Corazon Aquino kung saan nanganib ang kanyang buhay.
Threat
Sa kanyang talumpati ay binanggit din nito ang pagtatangka sa kanyang buhay noong panahon ng administrasyon ng kanyang ina.
“Alam po ni Vice President na noong 1987, nagkasama kami, may kudeta, na-ambush po tayo doon, at tapos noon ay pangalawang buhay ko na po ito,” ayon kay Aquino.
Bagamat wala namang direktang sinabi hinggil sa tangka sa kanyang buhay, nagpahiwatig ang pangulo na sa mga ginagawa niyang reporma ay marami siyang nabubunggo.
Animo’y namaalam naman si Aquino sa kanyang mga pananalita.
“Hindi natin maiiwasang mag-isip sa mga binubunggo natin, may araw kayang pagsampa ng entablado ay ito na ba huling araw,  may magtatagumpay bang maglagay ng bomba; magtatagumpay ba iyong mga maiitim na balak ng atin pong mga katunggaling gusto tayong ibalik sa maling kalakalan,” aniya.
“At kung dumating nga ang panahon pong iyon at natapos na po iyong ating pangalawang buhay, masasabi ko ho bang sa lahat po nang inaabot natin, ako po masasabi ko kuntento na ako. Kuntento na po ako dahil panatag ang kalooban ko na kung ako po’y mawala na dito, marami po ang magpapatuloy ng ating tinahak na; baka iyon lang po talaga ang papel ko, na umpisahan ito,” ayon pa kay Aquino.
Maging ang bunsong kapatid ng pangulo  na si Kris Aquino ay napaiyak matapos maging madamdamin si Aquino.
Animo’y nangampanya na rin si Aquino sa 2016 sa pagsasabing dapat pumili ang mga botante ng isang indibidwal na magpapatuloy ng kanyang mga nasimulan.
Bagamat binanggit muli ang DAP, hindi naman naging palaban si Aquino sa mga miyembro ng Korte Suprema, taliwas sa kanyang ginawang mga pagbatikos rito nitong mga nakaraang araw.
Ayon kay Aquino, nakatakdang maghain ng supplemental budget ang gobyerno para sa 2014 para pondohan ang mga proyektong naapektuhan ng desisyon ng Korte Suprema na nagdedeklara sa DAP bilang unconstitutional.
Nanawagan din si Aquino sa Kongreso na magpalabas ng joint resolution para liwanagin ang mga  probisyon na pinagtatalunan hinggil sa pagpapatupad ng DAP.
Inihayag din ni Aquino ang paghahain ng P2.606 trilyong panukalang budget para sa 2015.
Hindi naman nabanggit ni Aquino ang isyu hinggil sa paghahain ng plunder laban sa mga sangkot sa pork barrel scam.
Binatikos naman ni Aquino ang kanyang mga kritiko sa patuloy na pagbanat sa kanya.

Aniya ang mga kumukontra sa kanya ay sila na ayaw ng transpormasyon.

Read more...