Mga Laro sa Miyerkules
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. FEU vs UE
4 p.m. Adamson vs NU
Team Standings: Ateneo (3-1); NU (3-1); UE (2-1); UST (2-1); FEU (2-1); La Salle (2-2); Adamson (0-3); UP (0-4)
IBINUHOS ng La Salle Green Archers ang kanilang puwersa sa huling yugto upang wakasan ang dalawang dikit na panalo ng host University of the East Red Warriors sa 60-58 panalo sa 77th UAAP men’s basketball kagabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Parehong nawalan ng malalaking manlalaro ang magkabilang koponan nang sina Green Archers Arnold Van Opstal at Jason Perkins ay na-foul out tulad nina Charles Mammie at Moustapha Arafat ng Red Warriors.
Ngunit nagamit ni rookie Prince Rivero ang kanyang height advantage sa mga katapat para manalo ang Archers kahit naiwanan sa 46-36 matapos ang ikatlong yugto.
Lahat ng walong puntos sa laro ni Rivero ay ginawa sa huling yugto at ang kanyang pasabit kay Chris Javier tungo sa
3-point play ang nagbigay ng 56-54 kalamangan.
Lumobo sa apat ang kalamangan ng La Salle ang huli ay sa 60-56 sa reverse layup ni Rivero pero nakapanakot pa ang UE nang naipasok ni Roi Sumang ang dalawang free throws bago nakuha ang bola matapos ang jump ball sa huling 14 segundo ng laro.
Pero kinapos ang drive ni Sumang para lasapin ng UE ang unang pagkatalo matapos ang tatlong laro at maitabla ng La Salle sa 2-2 ang karta.
Si Jeron Teng, na naghatid ng dalawang magagandang assists kay Rivero, ay mayroong 18 puntos habang si Norberto Torres ay may 14 puntos at 14 rebounds para sa Archers na nanalo pa kahit may 36 turnovers.
Nakasosyo ang FEU sa 2-1 karta nang durugin ang UP, 85-71, sa unang laro.
May 7-of-8 shooting si Mike Tolomia tungo sa 18 puntos habang sina Mark Belo, Roger Pogoy at Anthony Hargrove ay nagtambal sa 33 puntos upang ipatikim sa Fighting Maroons ang ikaapat na sunod na kabiguan sa season at ika-25 sunod mula 2012.