Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. UP vs FEU
4 p.m. UE vs La Salle
Team Standings: UE (2-0); Ateneo (3-1); NU (3-1); UST (2-1); FEU (1-1); La Salle (1-2); Adamson (0-3); UP (0-3)
TINAPOS ng National University ang tatlong sunod na panalo ng Ateneo gamit ang 64-60 desisyon sa 77th UAAP men’s basketball kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nagawang pigilan ng Bulldogs si Kiefer Ravena sa second half para makapantay nila ang Blue Eagles sa ikalawang puwesto sa team standings na may 3-1 karta.
Si Ravena ay nagtala ng 3-of-17 shooting at nagtapos na may 13 puntos. Dalawang puntos lamang ang naibuslo ni Ravena sa second half dahil sa magandang depensa na inilatag sa kanya ni Nico Javelona.
May tatlong sunod na free throws pa si Javelona para maisantabi ng Bulldogs ang pagdikit ng Eagles sa isang puntos, 56-57, at makabangon agad mula sa 55-57 pagkatalo sa nagdedepensang kampeong La Salle Green Archers sa huling laro.
“We’re proud of the boys especially our bench,” wika ni NU coach Eric Altamirano na tinukoy sina Javelona at Jess Diputado na 10 at anim na puntos.
Kinapitalisa ng NU ang kanilang height advantage laban sa Eagles at sa pangunguna nina Jett Rosario at Alfred Aroga ay binigyan ang koponan ng 48-34 bentahe sa rebounds.
Si Rosario ay may 16 puntos mula sa 6-of-9 shooting, bukod sa 8 rebounds habang si Aroga ay may 11 rebounds bukod sa 9 puntos. Humablot si Glenn Khobuntin ng 16 rebounds para isama sa walong puntos para sa nanalong koponan.
Sinandalan naman ng University of Santo Tomas ang isang free throw galing kay Kent Lao sa huling 1.1 segundo para maitakas ang 50-49 panalo kontra Adamson sa unang laro.
Masama ang shooting ng dalawang koponan sa low-scoring game na ito pero kumapit pa ang suwerte sa UST dahil apat na puntos lamang ang naitala sa yugto ng katunggali.
( Photo credit to inquirer news service )